Tutol ang nakatakdang magbalik na mayor na si Gerandy Danao ng Narra sa pag-isyu ng Strategic Environmental Plan (SEP) clearance ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) sa Citinickel Mines and Development Corporation (CMDC) para sa expansion ng operasyon nito dahil umano sa hindi nito pagbabayad ng local tax.

Nakatakdang bumalik si Danao bilang alkalde sa Nobyembre 24, matapos itong suspendihin ng Sangguniang Panlalawigan para sa mga kasong administratibo.

Sa isang press statement na ipinadala sa mga mamamahayag ni Danao sa pamamagitan ni Jojo Gastanes ng kanyang communications group, ipinahayag niya na tutol din ang mga residente ng Narra sa pagpapalawak ng operasyon ng Citinickel.

Ang pag-isyu ng PCSD ng SEP clearance para sa karagdagang operasyon ay makasisira sa kalikasan.

- Advertisement -

“Dapat pinag-aaralan na muna nila ng husto ‘yan, durog na durog na ang Narra sa ginagawa ng minahan na ‘yan tapos pinahihintulutan pa nila na mag-expand nang miminahin nila — hindi na tama ‘yan,” sabi nito.

“Alam na alam nila na maraming problemang ginawa ‘yang Citinickel sa Narra pinayagan pa nila na mag-expand ng miminahing lugar dito sa mga bundok namin,” dagdag niya.

Kabilang umano dito ang mahigit P94 milyon na local tax na hindi pa nababayaran ng CMDC mula 2011 hanggang 2014.

Sinubukang hilingin ng Palawan News ang panig ng PCSD sa pamamagitan ni PCSD Staff Executive Director Atty. Teodoro Jose Matta, ngunit ayon sa kanya, maglalabas sila ng pahayag sa mga susunod na araw.

Binanggit din sa statement na noong 2020 ay inireklamo siya ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra at ni Bise Mayor (ngayon ay acting mayor) Crispin Lumba, Jr. dahil sa pagtutol niya sa operasyon ng Citinickel sa Narra.

Ipinahayag din ni Danao na wala ring “malaking naiaambag” sa mga mamamayan ng Narra ang Citinickel, kung kaya’t wala rin umanong saysay na payagan pa ito na makapag-expand ng kanilang operasyon.

Previous articleLean Alejandro and UP student activism
Next articleProv’l COMELEC prepares for large volumes of voter registration in coming days
is a senior reporter for Palawan News who covers politics, education, environment, tourism, and human interest stories. She loves watching Netflix, reading literary fiction, and listens to serial fiction podcasts. Her favorite color is blue.