SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Patuloy na hinihimok ni Mayor Marsito Acoy ang mga kagaya niyang senior citizen sa bayan na ito na huwag matakot magpabakuna para sa kaligtasan ng bawat isa laban sa COVID-19.
Si Acoy ay isa sa mga senior citizens ang una nang naturukan na ng bakunang Cinovac sa bayang ito mula sa A2 priority list ng Municipal Health Office (MHO).
Ani ni Acoy, nakumpleto na niya ang kaniyang dalawang dose ng bakuna noong June 3 samantalang ang unang dose ay itinurok sa kanya noon buwan ng Mayo.
“Ako po bilang lider ng bayan natin ay hinihimok ko ang aking mga kapwa senior na magpabakuna at huwag matakot. Para ito sa kaligtasan ng lahat. Sa mga gusto nang magpabakuna, pumunta lang sa mga BHW nila at magpalista para makasama sa listahan ng babakunahan,” pahayag ni Acoy.
Sa panayam kay Dr. Rhodora Tingson, municipal health officer, nitong araw ng Linggo, Hunyo 6, inihayag niyang mayroon silang humigit kumulang 2,000 senior citizens na nailista para sa vaccination ngunit humigit-kumulang 217 pa lang ang nabibigyan ng first dose ng bakunang Sinovac at AstraZeneca na nakalaan sa kanila.
Ayon kay Tingson, naka-reserve na rin ang kasunod na dose ngayong buwan ng Hunyo at may ilang senior na rin ang nakumpleto na ang dalawang turok.
“Sa A1 naman natin, 197 na lahat ang nabigyan ng firstdose. Sa A2 ay 217, at A3 ay 51. Naka-reserve na rin lahat ng kanilang second dose this month,” paliwanag ni Tingson.
“Hinihikayat natin ang lahat na huwag matakot sa bakuna. Magpabakuna para malabanan natin ang hawaan at makakatulong din ito para mapababa ang kaso natin sa COVID-19.Magtungo lang po sa MHO o sa BHW para mailista sila,” dagdag niya.
