Dumalo sa inorganisang mini forum ng Philippine Information Agency-Romblon sina Edwin Gan, OSCA-Odiongan Head; at Ernesto Fadriquela, Odiongan PWD Federation President, para pag-usapan ang mga problema ng mga senior citizens at PWD sa bayan ng Odiongan nitong Ika-14 ng Setyembre. (Larawan kuha ni Kristina Bernadette Fortu)

ODIONGAN, Romblon — Pinayuhan ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ng bayan ng Odiongan ang mga senior citizens sa probinsya na hindi pa nakakatanggap ng social pension para sa taong 2019 na maghintay na muna dahil inaayos pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang listahan ng mga dapat bigyan ng social pension sa rehiyong Mimaropa.

Ayon kay OSCA-Odiongan Head Edwin Gan nang magsalita kamakailan sa ginanap na Mini Forum para sa mga senior citizens at mga Persons with disabilities (PWDs), marami pa rin aniya sa probinsya ng Romblon ang hindi pa nakakatanggap ng pension mula pa noong Enero.

“Humihingi tayo ng paumanhin sa kanila kasi wala tayong magagawa kundi maghintay dahil marami talaga sa atin ang hindi pa nabibigyan ng pension dahil sa ginawang validation ng DSWD sa listahan ng kanilang mga bibigyan. Katunayan sa mahigit 3,900 na pensioners sa bayan ng Odiongan, aabot palang sa 1,000 ang nabibigyan ng pension,” ayon kay Gan.

“Alam nating malaking bagay ang mga social pension na ito sa mga senior citizens lalo na kung sila ay isang PWD dahil makakatulong sana ito pambili natin ng mga gamot, bigas, at pagkain,” dagdag ni Gan.

Paliwanag ni Gan, personal na bumibisita sa mga bahay ang mga tauhan ng DSWD sa buong lalawigan para tanggalin sa kanilang listahan ang mga yumao na at gayundin ang mga senior citizen na tumatanggap ng pension mula sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS).

Posible aniya ngayong buwan o sa darating na Oktubre ay mabibigyan na ang second batch ng senior citizens ng kanilang social pension, at sinabi umano kay Gan ng DSWD na matatanggap na ng mga benepisyaryo ang buong pension nila para sa taong 2019.

Tiwala naman si Gan na mabibigyan na ng solusyon ang ganitong problema ng mga senior citizens kapag naayos na ang implementing rules and regulations ng bagong Republic Act No. 11350 o ang National Commission of Senior Citizens Act.

“Napirmahan na ni Pangulong Duterte ‘yung batas na magbibigay ng sariling commission para sa ating mga senior citizens, matututukan na tayo, kasi ngayon ‘yung DSWD marami silang inaasikaso, merong mga 4Ps, mga UCT, at iba pang trabaho,” ani Gan.

Ang nasabing mini forum ay dinaluhan ng ilang piling senior citizens na miyembro rin ng Persons with disabilities (PWDs) community sa bayan ng Odiongan. (PJF/PIA-MIMAROPA/Romblon)

About Post Author

Previous articleLGUs urged to enforce healthy foods in school canteens, nearby stores
Next articlePalawan farmers to appeal removal of CDIF in NFA palay buying price