Ilang araw bago pa man ang Semana Santa ay inalerto na ng Coast Guard District Palawan (CGDPal) ang kanilang iba’t ibang himpilan na magbabantay sa mga daungan sa buong lalawigan.
Ayon kay Commo. Rommel Supangan, commander ng CGDPal, kabilang sa mahigpit nilang babantayan, katuwang ang ilang ahensiya katulad ng Philippine Coast Guard Auxillary (PCGA), ay ang Puerto Princesa Port, Sabang Port, at Honda Bay na inaasahang dadagsain ng mga tao ngayong Semana Santa at summer vacation.
“Ngayon kasing bakasyon, ilan ito sa mga alam nating dadagsain ng ating mga local tourist at mga bisita, at s’yempre ang ating pier, kailangan nating bantayan ng maigi ito. Dahil sa mahabang bakasyon maraming mga kababayan natin ang nagpa-planong umuwi sa kani-kanilang mga lugar dito sa Palawan, gusto naming maging komportable sila at ligtas,” pahayag ni Supangan.
Ang mga nabanggit na lugar ay lalagyan ng mga malasakit desk na magbibigay assistance sa mga byahero at bakasyonista.
“Sa mga bisita, mga turista, at mga kababbayan natin, kapag kailangan nila ng kahit anung tulong for their safety ay lumapit lang sila sa ating mga coast guard at coast gurad auxillary na naka-standby, tutulungan sila. dagdag niya.
Ang paghahanda ng CGDPal ay alinsunod ito sa kautusan ng Department of Transportation (DoTR), na magkaroon ng Oplan Ligtas Byahe, para masiguro ang kaligtasan ng mga kababayan na uuwi sa kani-kanilang mga lugar ngayong mahabang bakasyon para sa pagdirawing ng Mahal na Araw, mula Abril 14 hanggang 18, kasabay sa summer vacation, lalo pa at bukas muli nang nagbukas sa mga turista ang lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan, pagkalipas ng dalawang taon.
Layunin din ng CGDPal na maipagdiwang ng mga Palaweño ang Mahal na Araw kasama ang mga mahal sa buhay.
Kaugnay nito, inilunsad din nitong nakaraang lingo ang kanilang Disaster Response Group (DRG) na siya namang aantabay upang agarang makaresponde kung kakailanganin.
“Ang aming DRG, nakaantabay para sa anumang emergency deployment ay pwede naman silang magamit,” ani Supangan.
Dagdag pa niya ang kanilang walong istasyon at mga sub-station mula sa Coron sa bahaging norte ng lalawigan hanggang sa Mangsee Sub-station sa bahaging sur ay may kaparehong paghahanda.
Umaasa rin ang pamunuan ng CGDPal na ngayong panahon ng kwaresma ay magiging maayos, ligtas, at komportable ang mga Palaweño maging ang mga turista.
