Idineklarang dead on arrival (DOA) sa satellite clinic ang isang security guard ng Panacan National High School (PNHS) noong Miyerkules ng hapon matapos makabanggaan nito habang sakay ng kanyang motor ang isang 10-wheeler truck sa may Barangay Inagawan.
Kinilala ng pulisya ang security guard bilang si Bernard Gonzaga, 50, residente ng Brgy. Panacan I sa Narra. Ang driver ng truck ay pinangalanan naman na si Alfredo Catolico, 47, residente ng Brgy. Sandoval sa naturan din na bayan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pauwi na si Gonzaga sa Narra nang makabanggaan nito ang 10-wheeler truck na minamaneho ni Catolico na noong nasabing araw ay patungo sa Puerto Princesa City.

Sa pahayag sa Palawan News ni P/Maj. Edgar Salazar, ang station commander ng PPC Police Office Station 2, sinabi ni Catolico sa imbestigasyon na sa layong 15 meters sa lugar na pinangyarihan ng aksidente ay nakita niya si Gonzaga na pagewang-gewang ang takbo ng motor sa national highway.
Pagdating ng truck sa mismong bahagi ng national highway kung saan naganap ang aksidente, sinabi ni Catolico na naging huli na ang lahat dahil nagulat na lang siya at nakain na ng motorsiklo ni Gonzaga ang kanyang lane.
Bago pa siya makapag-menor at nahinto ang truck ay bumangga na sa kanya ang motor na minamaneho ni Gonzaga. Inamin ni Catolico na nakaladkad niya ang motorsiklo ng may 39 metro bago pa niya naihinto ang truck.
Ayon sa spot report ng pulisya, isinugod si Gonzaga sa satellite clinic sa Inagawan sa tulong ng mga concerned citizen, pero idineklara na itong DOA.
Sa dagdag na pahayag ni Salazar, sinabi nito na hanggang ngayon ay hindi pa nila alam kung bakit gumewang-gewang at bumangga ang motorsiklo ni Gonzaga sa 10-wheeler truck dahil wala pa sa kanila ang post-mortem result o autopsy.
“Hindi natin kasi masabi kung nawalan ng control, nakaidlip o nakainom. Wala pa kasi tayong hawak na autopsy o post-mortem report,” ayon kay Salazar.
Sinabi rin ni Salazar na maaaring makatulong sa kanilang imbestigasyon ang pahayag ng isang witness na nagsabing nakita rin nitong pagewang-gewang ang motor ni Gonzaga bago ito bumangga sa truck.
Pero hindi na nagbigay pa ng ibang detalye tungkol sa witness si Salazar.
Ilang oras matapos maganap ang aksidente, iniuwi rin sa Narra ang bangkay ni Gonzaga, ayon sa kanya.
Sabi ni Salazar, kasong “reckless imprudence resulting to homicide” ang haharapin ni Catolico.