Si Maryjee Roci ng Sitio Agis-Agis, Brgy Panitian habang inaayos ang mga inaning seaweeds

SOFRONIO ESPAÑOLA–Nakakaranas ng pagkalugi ang mga seaweeds farmers sa bayang ito ngayong buwan ng Abril dahil sa panahon ng tag-init, ayon sa isang malaking seaweeds association sa Sitio Agis-Agis, Barangay Panitian.

Ang pagkalugi ay dulot umano ng pagkalusaw ng kanilang mga inaning mga seaweeds dahil sa sunod-sunod na sama ng panahon at ang pabago-bagong klima sa ilalim ng dagat.

Ayon kay Maryjee Roci, isa sa mga seaweeds grower sa nasabing lugar, naranasan nila ang pagkalugi ng malaki sa kalagitnaan ng Abril.

Aniya malaki ang nawala mula sa kanilang inilagak na kapital para pambili ng itatanim na seaweeds.

- Advertisement -

“Malaki talaga ang lugi namin, naglalaan kami niyan ng P15,000 hanggang P20,000 para sa plantation namin. Ngayon, halos wala kaming napakinabangan talaga. Kaunti lang ang aming naibenta, umabot lang ng P5,000-P10,000. Halos kalahati, hindi pa naibalik ang kapital namin,” pahayag ni Roci.

“Sunod-sunod ang baha sa ilog, napupunta sa dagat, malakas na alon, kaya nasisira ang agar-agar. At minsan, sobrang init tapos susundan ng baha, nalulusaw talaga,” dagdag niya.

Umaasa rin ang mga ito na sa sa mga buwan ng Mayo at Hunyo ay makakabawi sila mula sa kanilang pagkalugi dahil ito lamang ang kanilang pangunahing hanap-buhay sa kanilang maliit na komunidad bukod sa araw-araw na pangingisda.

Samantala, ayon kay Kgd. Marlon Arroyo ng Brgy. Panitian, ang Sitio Agis-Agis ang isa sa mga lugar sa munisipyo na may malawak na taniman ng seaweeds at malaki ang produksyon na binibili ng mga negosyante at dinadala sa lungsod ng Puerto Princesa at Maynila.

“Kami sa (barangay) council, counterpart kami ng mga seaweeds growers sa aming barangay. Lagi din silang naisasama sa mga programa para sa seaweeds na ibinibigay ng Department of Agriculture (DA) katulad ng pagbibigay ng libreng pantanim kasama ang mga ibat-ibang materyales katulad ng lubid,” pahayag ni Arroyo.

Dagdag ni Arroyo, maituturing namang nasa maganda ang presyuhan ng seaweeds sa kanilang barangay pagdating sa mga malalaking buyers na P150 kada kilo ng dried seaweeds at P30-P50 naman kada kilo kapag sariwa.

Aniya, naiparating na rin sa kanila ng mga seaweeds growers ang mga ganitong problema sa produksyon at gumagawa na rin sila ng paraan kung paano ito matutulungan ng barangay at maiparating sa DA at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

“Katunayan po, laging nagbibigay ng pagsasanay ang DA sa kanila, kasama ang ating Municipal Agricultures Office (MAO) para mas lalo pang mapalakas ang kanilang asosasyon, maka-avail ng mga programa na makakatulong sa kanilang pangunahing ikinabubuhay, ang seaweeds farming,” paliwanag ni Arroyo.

Previous articleProVet urges public to help monitor against bird flu
Next articleSSS gives delinquent establishments 15 days to settle obligations
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.