Naging maganda na ang produksyon ng seaweeds o agar-agar ngayong buwan ng Nobyembre sa bayan ng Magsaysay matapos na makaranas ng pagkalugi ang mga farmer dahil sa kalamidad na tumama sa bayan noong kalagitnaan ng buwan ng Oktubre, ayon sa Municipal Agriculture Office (MAO).
Dagdag ng MAO, ang mga barangay ng Lucbuan at Rizal na may malawak na seaweeds plantation ang lubos na naakeptuhan ang pagtatanim at pag-ani.
Pahayag ni Kenny Alvarez, municipal agriculture technologist, kalagitnaan nang buwan ng Oktubre nang makaranas ng pagkalugi ang mga seaweed farmer dulot ng kalamidad? katulad ng bagyo at pabago-bagong weather condition, at ang pag-atake ng mga pawikan at mga isda na kinakain ang kanilang pananim.
“Apektado talaga from October, kinakain ng pawikan at danggit ang seaweeds, at weather conditions na naging dahilan kaya nalusaw ang tanim nila kaya bumaba ang harvest ng mga farmers diyan sa two barangays. May iba namang barangay na nagtatanim pero maliit lang ang area,” pahayag ni Alvarez.
“Hindi talaga ito ma-control. Sa mga ganiyang buwan talaga nagkakaroon ng problema. Nakaka-harvest naman pero kaunti kaya hindi nakakabenta ng marami. Dagdag pa natin noong bagyong Maring, medyo pangit ang dagat,” dagdag niya.
Sa kabila nito, inihayag din ni Alvarez na base sa kanilang isinagawang monitoring at inspection sa dalawang barangay ngayong buwan ng Nobyembre ay nakabawi na ang mga seaweeds farmers. Aniya, maganda na ang pagpapatubo ng tanim, maayos aniya ang klima sa karagatan at madalang na rin ang isdang kumakain ng kanilang pananim.
“Maganda ang tubo, at productive. Nakabawi naman sila at sana tuloy-tuloy na ito upang makabawi sila sa mga nalugi noong nakalipas na buwan,” paliwanag niya.
Samantala, upang mapalakas pa ng pamahalaang lokal ang seaweeds production sa kanilang bayan ay palagian nakikipag-ugnayan ang MAO sa Bureau of Fisheries and Acquatic Resources (BFAR) upang patuloy na makapagbigay ng ibat-ibang assistance sa mga magsasaka.
Ani Alvarez, noong buwan ng Setyembre, nagbigay ng mga farming inputs gaya ng mga tali at agar-agar seedlings ang BFAR katulong ang Department of Agriculture at ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan.
“Tayo naman always tayong nakakatanggap ng mga inputs sa BFAR going to agar-agar farmers, for production nila. Lagi namang nagsasagawa ng assessment sa pagtatanim at kung may problema ay para maipaalam agad namin sa DA at BFAR upang matulungan sila kung ano ang pwedeng gawin,” paliwanag ni Alvarez.
