Oct 26, 2020

Seaweed farmers ng Palawan, tumanggap ng suporta

Tinanggap nila ang mga libreng tali at iba pang materyales na kanilang magagamit sa kanilang pagtatanim sa dagat ng agar-agar o seaweeds.

Nahatiran ng iba’t-ibang mga seaweed farming materials ang dalawang island barangay sa bayan ng Balabac noong Setyembre 23 bilang bahagi ng tulong programa ng pamahalaang panlalawigan sa mga nagfa-farm nito.

Tinanggap nila ang mga libreng tali at iba pang materyales na kanilang magagamit sa kanilang pagtatanim sa dagat ng agar-agar o seaweeds.

Apatnapung mga seaweed farmers mula sa mga barangay ng Bancalaan at Pandanan sa bayan ng Balabac ang nahatiran nito na pinangasiwaan naman ng Livelihood Project Management Unit (LMPU) katuwang ang pamahalaang lokal.

Sa panayam ng Palawan News kay Myrna Lacanilao, araw ng Huwebes, ang siyang LMPU head ng nasabing tanggapan, layunin nitong matulungan ang mga seaweed farmers sa kanilang mga gastusin sa mga kagamitan sa seaweed farming at lalo pang maitaas ang nasabing produksyon ng agar-agar sa Balabac.

“Hindi nawawala ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa Balabac pagdating sa farming ng seaweeds,yan talaga ang pangunahing hanapbuhay diyan at nais ng ating panlalawigan na maitaas ang produksyon sa kanilang munisipyo,ang budget niyan ay nakapaloob pa rin sa ating programa,” sabi ni Lacanilao.

“Actually, may mga seaweeds propagules na rin talaga lagi tayong naibibigay diyan sa kanila, sa ilang mga barangay diyan, lalo na ngayong pandemic ay maitaas ang kanilang kita diyan at kailangan nila ng suporta ng ating pamahalaan,” dagdag niya.

Aniya, ang pagtatanim ng agar-agar sa lalawigan ng Palawan ang isa sa kung saan nakapokos ang kanyang opisina upang mas lalo pang maitaas ang produksyon nito at malaking tulong sa mga seaweed farmers.

“May mga distribution din tayo sa mga susunod na buwan o bago matapos ang taong ito sa bahaging norte naman at lagi naman silang nabibigyan ng mga farming materials at propagules sa northern Palawan,” sabi niya.

 

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry