Isang seaweed farmer mula sa Sityo Silomsilom, Barangay Catagupan, Balabac, ang inaresto ng mga pulis sa naturang bayan noong Biyernes, Enero 15, matapos siyang mahulihan ng hindi lisensyadong baril.
Inaresto ang isang Rande Samiden, 35, matapos hainan siya ng search warrant ang mga pulis sa Balabac kasama ang 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (SOU-MG).
Nagbaba ng search warrant laban sa suspek si Judge Ramoncito Mendoza ng Branch 165 ng Palawan Regional Trial Court (RTC) sa Brooke’s Point noong January 12, base sa ulat na natanggap ng Balabac municipal police station kaugnay sa mga itinatago nitong baril at bala.
“Sa search warrant mayroon pang M16 na baril, ngunit nang hinalughog namin ang bahay wala kaming nakita,” pahayag ni P/Lt. Anna Abenojar, tagapagsalita ng 2nd SOU-MG.
Ang suspek ay dinala na ng operatiba ng Balabac MPS upang isailalim sa inquest at sampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act.
“Nasa Brookes Point na ngayon ang suspek, kasi for inquest na siya. Pero Magpapatanong pa tayo sa mga tropa natin doon kung maliban sa pagtatago ng mga baril na walang mga papeles ay may iba pa ba itong mga record sa lugar, o kung kabilang sa kung anong grupo itong suspek,” ani Abenojar.