Libre na ang Seaman’s Book para sa mga seafarer na kukuha nito sa unang pagkakataon, ayon kay Department of Transportation (DOTr) Sec. Art Tugade.

Sa kanyang ulat kay Presidente Rodrigo Duterte noong Enero 24, sinabi ni Tugade na libre na ang Seaman’s Book para sa mga unang kukuha pa lamang nito dahil inaprubahan na ng board ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang panukala kamakailan.

Aniya, nasa P1,000 hanggang P1,800 ang halaga nito kapag ito ay kinuha, ngunit dahil sa pag-apruba ng MARINA, ito ay libre na.

“Inaprubahan po ng MARINA Board na gawing libre ang pagkuha ng Seaman’s Book para sa ating mga kababayang seafarer na kukuha nito sa unang pagkakataon,” sabi ni Tugade sa ulat na inilabas ng DOTr kahapon, Sabado.

- Advertisement -

Maging ang 50 percent na diskwento para sa mga seafarer na magre-renew ng Seaman’s Book ay inaprubahan din ng MARINA Board hanggang Disyembre 2022, ayon pa sa kalihim ng DOTr.

Ang dalawang bagong polisiya ay bahagi umano ng maraming programa ng DOTr para sa mga seafarer na itinuturing na mga bayani sa gitna ng pandemya.

Ang Seaman’s Book ay naglalaman ng mga karanasan sa trabaho ng mga seafarer. Isa itong major requirement bago sumampa ng barko ang mga seafarer. Naglalaman din ito ng kanilang mga embarkation and disembarkation details at iba pang mahahalagang impormasyon.

Previous articleHernia vows to implement ‘one-strike policy’ vs PNP unit commanders with erring subordinates
Next articleFrontal system to bring rain to Eastern part of Luzon