Magpapatuloy hanggang buwan ng Agosto ang isinasagawang satellite registration ng Commission on Elections (COMELEC) sa bayan ng Sofronio Española, para sa mga residente na hindi pa rehistrado upang makaboto ang mga ito sa darating na May 2022 National and Local Elections.

Nakatakdang isagawa ang satellite registration sa pitong barangay, samantalang natapos na ang Barangay Panitian noong Hulyo 3 at Brgy. Pulot Shore noong Hulyo 10.

Ang nalalabing barangay naman ay nakatakdang isagawa ang mobile registration sa mga sumusunod na petsa: Hulyo 17 sa Pulot Center; Hulyo 24 sa Labog; Hulyo 31 sa Pulot Interior; Agosto 7 sa Abo-abo, Agosto 14 sa Punang, Agosto 21 sa Iraray at August 28 sa Isumbo.

Ayon kay Maria Lourdes Carolasan, Election Assistant II ng Española, isinasagawa ang mobile registration tuwing araw ng sabado sa mga barangay kung saan, ang mga kawani ng Municipal Election Office ang pumupunta sa barangay para magrehistro ng mga residente.

- Advertisement -

“Simula Lunes hanggang Biyernes ang registration ay sa aming tanggapan at tuwing araw naman ng Sabado ay nakalaan sa mga barangay para sa mobile registration,” paliwanag ni Carolasan.

Dagdag niya, kailangan lamang magpakita ng valid ID ang isang indibidwal na nais magparehistro, maliban sa mga katutubo na hindi na hinahanapan nito.

“Alam naman natin na ang iba nating mga katutubo ay wala talagang valid id pero nakakapag fill-up naman sila ng pangalan nila. Ina-assist naman natin kapag indigent individuals,” aniya.

Sa tala ng COMELEC, ang bayan ng Española ay mayroong mahigit 17,000 rehistradong botante nang isagawa ang halalan noong taong 2019.

Previous articleMarine troopers donate blood to captured rebel
Next articleMaj. Llorito itinalaga bilang commander ng MBLT-4
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.