(Larawan mula kay Choi Estoya)

SAN VICENTE, Palawan — Handa ang lokal na pamahalaan ng bayan na ito na maiwasan ang anumang seryosong pinsala na maaaring taglay nang paparating na bagyo na si Odette na inaasahang dadaan sa bahagi ng northern at central Palawan sa araw ng Biyernes, December 17.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nakaantabay at handang magamit ang mga clearing equipment at rescue equipment ng bayan, tulad ng rescue vans, speed boats, emergency rescue vehicles, at ambulance para sa mabilis at agarang pagresponde sa mga maaapektuhang residente.

Handa rin ang puwersa ng mga responders at rescuers ng kanilang opisina sakaling magkaroon ng epekto ang taglay na ulan, hangin, at alon ni Odette.

(Larawan mula kay Choi Estoya)

“We have activated our Emergency Operations Center (EOC). We have on standby ang ating mga rescue equipment at ang ating mga personnel at responders,” ayon kay MDRRMO chief Orlando C. Estoya sa pulong ng MDRRM Council.

Isa sa mga pinag-usapan sa pulong ng MDRRMC kahapon, December 15, ang pre-disaster risk assessment (PDRA) at preparasyon para sa pagdating ng naturang bagyo na inaasahang magdudulot ng malakas na hangin at ulan, pagbaha, storm surges, at pagguho ng lupa.

Pinagagana na rin ang radio-based communication sa 10 barangay upang masiguro ang tuluy-tuloy na komunikasyon sakaling mawalan ng signal ang mga mobile phones.

(Larawan mula kay Choi Estoya)

Nakahandang magamit ang mobile operations center kung kinakailangan, ayon kay Estoya. Malaki rin ang maitutulong ng mga ibinahaging rescue vehicles sa mga barangay upang maisaalang-alang ang kaligtasan ng mga residente.

“We have informed the barangays to standby their [rescue] vehicles at huwag muna gamitin sa mga hindi related sa disaster response habang nananalasa ang bagyong Odette,” dagdag niya.

Mayroon namang nakapreposisyong mahigit na 280 sako ng bigas at mga canned goods ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para maipamahagi sa mga maaapektuhang pamilya.

(Larawan mula kay Choi Estoya)

Samantala, nakipag-ugnayan na rin at humiling ng tulong at suporta ang lokal na pamahalaan sa iba pang law enforcement agencies at civil society organizations upang mapaigiting ang rescue at relief operations.

Namataan ang bagyong “Odette” kaninang alas-10 ng umaga sa humigit-kumulang 590 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur. Ito ay may lakas ng hanging aabot sa 120 kilometro bawat oras (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 kph, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Kasabay ng pagsisiguro ng proteksyon sa bayan sa papalapit na bagyo, pinaalalahan din ng lokal na pamahalaan ang publiko na patuloy na mag-ingat, maghanda, tandaan ang mahahalagang payong pangkaligtasan, makinig at sumunod sa mga abiso ng awtoridad.

About Post Author

Previous article#OdettePH predicted to become super typhoon
Next articleNorthern Palawan to face “gale to storm-force” winds
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.