SAN VICENTE, Palawan — Muling nanawagan ang Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) on COVID-19 sa bayang ito ng kooperasyon mula sa mga residente upang maging epektibo ang pagpapatupad ng mga panuntunan ukol sa pagbiyahe upang mapanatili ang maayos na pamamahala ng kaso ng COVID-19.

Sa pamamagitan ng isang pagpupulong ay ipinarating ng MIATF sa mga residente ng Barangay Binga at New Canipo ang panawagan noong ika-1 ng buwan ng Mayo kung saan ipinaliwanag ang mga pinaiiral na panuntunan sa pagbiyahe mula sa ibang munisipyo at sa Lungsod ng Puerto Princesa at ang layunin ng mahigpit na pagpapatupad nito.

Dumalo sa nasabing pagpupulong ang  mga opisyales ng barangay, mga nagmamay-ari ng tindahan, mga bangkero, at iba pa.

Kabilang sa masusing ipinaliwanag ang ilang patakaran kagaya ng mga requirements na kailangan ng isang biyahero para makapasok o makauwi sa bayan tulad ng negative antigen test para sa namalagi ng mahigit dalawang araw sa labas ng San Vicente at negative RT PCR result naman para sa mga uuwing indibidwal o kaya ay returning overseas Filipinos (ROFs).

Binigyang diin din ng MIATF na ito ay bahagi ng pag-iingat upang mapanatili ang mababang kaso ng COVID-19 sa munisipyo.

“Naglalayon ang mga patakarang ito na mailayo tayo sa masamang epekto ng COVID-19,” saad ni Incident Management Team (IMT) commander Rustico Dangue.

“[Ito ay] upang mapanatili natin na ang sitwasyon sa bayan ng San Vicente ay maging manageable, para maging magaan sa bawat isa at kontrolado ang sitwasyon,” pahayag ni Dangue

Hiniling din ng MIATF sa mga dumalo na ipagbigay alam sa opisina ng barangay kung may kahina-hinalang bangka na dumaraong sa dalampasigan na maaaring galing sa ibang bahagi ng lalawigan.

Upang magkaroon ng kaisahan sa pag-unawa sa mga panuntunan, naglaan din ng oras ang MIATF na sagutin ang mga katanungan at agam-agam ng mga dumalo sa pagpupulong.

Ipinaliwag nito na ang mga panuntunang ito ay pansamantala lamang at luluwagan sakaling magkaroon ng magandang pagbabago sa kaso ng COVID-19 sa lalawigan at lungsod.

About Post Author

Previous articleAborlan muling naglabas ng travel restrictions
Next articleBayan ng Cuyo naglabas ng travel requirements para sa mga nais bumiyahe
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.