BROOKE’S POINT, Palawan — Umabot na sa 53 ang bilang ng mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 sa bayang ito base sa huling Bulletin & Tracker na inilabas ng pamahalaang bayan, ika-lima ng hapon, Abril 30.
Ito ay matapos na magkaroon ng 10 bagong kaso na kinabibilangan ng isang 49 taong gulang na lalaki mula sa Barangay Saraza at siyam na babae kung saan, anim ang mula sa Brgy. Poblacion District I na may edad na 25, 38, 17, 33, 42 at 58; dalawang 22 at 59 taong gulang mula sa Poblacion District II, at isang 68 taong gulang mula sa Brgy. Tubtub.
Sa bilang na 53 ay 39 ang aktibong kaso at 14 naman ang gumaling na, habang may 235 suspected case na sa kasalukuyang ay inoobserbahan at 11 naman ang probable case na inaasahang malalaman sa araw ng Linggo ang resulta ng isinagawang antigen test.
Samantala, patuloy na nanawagan ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Brooke’s Point sa mga mamayan na makiisa at sundin ang mga panuntunan upang maiwasan ang patuloy na paglaganap ng virus.
Ipinaskil na rin ng Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF) sa kanilang official bulletin ang mga tukoy na lugar kung saan ang mga nagpositibo sa sakit upang makaiwas ang mga mamayan.
Kablang sa mga barangay na kasalukuyang may aktibong kaso ay ang mga barangay ng: Aribungos – 2; Pangobilian – 1; Poblacion District I – 24; Poblacion District II – 2; Saraza – 1; at Tubtub – 9.
Kaugnay nito ay naglagay na rin ng check point ang Brooke’s Point Municipal Station (MPS) sa Brgy. Ipilan upang upang mahigpit na mabantayan ang mga dadaan at papasok sa bayan.
