Itinayo sa bayan ng Rizal kamakailan ang Safe Distancing Task Force (SDTF) na binubuo ng mga operatiba ng pulisya at barangay peace officer o tanod para manguna sa pagpapatupad ng health protocols sa mga business establishment at public transportation area habang nasa gitna ng banta ng COVID-19.
Ang pagbuo ng SDTF ay ipinanukala sa pamamagitan ng isang ordinansa na iniakda ni Kgd. Arvin Fuentes. Ipinasa naman ito ng Sangguniang Bayan ng Rizal ang ordinansa noong huling linggo ng buwan ng Agosto. Nilagdaan ito ni Mayor Otol Odi noong August 26.
“Upon approval ni Mayor Odi, enacted na agad yan. Gusto lang natin na maisabatas talaga ito although lahat ng lugar ngayon ay may pag-iingat pero mas maganda na ito ay maisabatas upang may batayan tayo sa mga violation dito sa Rizal sa mga health protocols at maiwasan ang banta ng virus,” sabi ni Fuentes, Lunes sa Palawan News.
Nakasaad sa ordinansa ang mga dapat gawin ng mga establisyemento, tulad ng paglalagay ng signage sa loob at labas ng istraktura na nagpapaalala sa mga papasok na obserbahan ang 1-meter social o physical distancing, paglalagay ng foot bath, pagkakaroon ng hand washing sinks, at alcohol sa labas na kailangang sundin.
Noong unang linggo ng Setyembre unang nag-ikot ang PNP bilang bahagi ng SDTF.
“Noong unang linggo ng September nagsimula ng mag-ikot ang PNP natin dito at mga tanod sa lahat ng mga malalaking tindahan, private and public offices, mga nasa tricycle kasama ang buong public terminal kung nasusunod ang lahat ng kanilang mga obligasyon na gagawin,” dagdag ni Fuentes.
Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng task force — P2,000 para sa unang offense, P2,500 para sa pangalawa, at pagtatanggal ng business permit sa ikatlo.
“Sa mga owners at operators naman, kung tatlong beses na silang hindi sumusunod sa protocol after our warning, matatanggalan na sila ng business permit at hindi na sila puwedeng mag-operate o magbukas,” paliwanag ni Fuentes.