Nakatanggap ng mga Rapid Diagnostic Testing kits at RT-PCR kits ang mga munisipyo sa Calamianes na kinabibilangan ng Busuanga, Coron, Culion at Linapacan noong August 24 na mula sa pamahalaang panlalawigan ng Palawan.
Ayon sa PIO Palawan sa kanilang Facebook page, 100 RDT kits na may kasamang RT-PCR test kits ang ipinagkaloob sa bawat isa sa apat na munisipyo ng rehiyon.
“Ang pamamahagi ng mga kits ay pinangunahan ng grupo ng PDRRMO at ng Palawan IATF sa nasabing apat na munisipyo” sabi sa facebook post nito petsa August 24 sa PIO Palawan facebook page.
Samantala sa hiwalay na panayam kay Mayor Elizabeth Cervantes ng Busuanga, malaking tulong aniya ito sa nasabing apat na munisipyo para maging karagdagang gagamitin ng mga health authorities sa testing lalong lalo na sa pagkakaroon ng local transmission sa Coron noong nakalipas na linggo.
“Malaking bagay ito para may magagamit ang mga doktor natin para sa RDT o PCR kung sakaling kinakailangan,” sabi ni Cervantes.
Patuloy pa rin ang isinasagawang community quarantine ng bayan ng Coron patungong Busuanga maging ang Culion ay nasa community lockdown pa rin na nagsimula pa noong Agosto bente tres na magtatagal ng labing apat na araw.