BROOKE’S POINT, Palawan — Dinaranas ng mga residente sa tatlong bayan sa southern Palawan ang tatlong araw na rotational brownout na nag-umpisa noong June 9 at magtatagal hanggang June 11.
Apektado ng brownout ang mga bayan ng Bataraza, Brooke’s Point, at Sofronio Española.
Ayon kay Engr. Ian Badua, Brooke’s Point Electrical Services Officer, ina-upgrade ng PALECO ang mga distribution lines mula sa DMCI Power Corp. at National Power Corporation (NPC).
“May ilaw tayo sa gabi pero no assurances sa umaga ng June 9 to June 11 — tatlong araw itong pag-aayos ng mga distribution line natin,” sabi ni Badua.
Noong mga nakaraang linggo, sunod-sunod ang power interruption sa dalawang bayan ng Brooke’s Point at Bataraza dahil nagkaroon ng shortage ang DMCI na 5.4 megawatts.
Nasa 4.0 megawatts lang kasi ang nakayang mai-provide nito sa ngayon.
“Five gensets at 0.8MW each genset lang ang power supply capacity ng genset ng DMCI kaya nasa 4.0 lang ang na-provide nila. Sa ngayon isa din yon sa problema na nagbigay naman sila ng kasiguraduhan na magdagdag ng genset pero di natin alam kung kailan,” dagdag niya.