Ang nasa likod ng mala-robocop costume na ito ay ang 36 years old na baker, furniture-maker, dating dancer, overseas Filipino worker, at ngayon ay content creator na si Rod Escario, residente ng Ledesmaville Brgy. Sicsican, dito sa Puerto Princesa.

Marahil ay nakita niyo na siya at napanood sa kanyang pagti-Tiktok ng mga dance trends na sikat sa social media sa iba’t ibang lugar dito sa lungsod.

Lahat halos ay naikot na niya mula baywalk, Balayong People’s Park, at kelan lang ay sa Mercado de San Miguel kung nasaan ang office ng Palawan News kaya naman agad naming siyang kinapanayam.

Dahil may alam siya sa design at electronics, siya lang ang gumawa ng kanyang costume na kinabitan din niya ng loud speakers. Nakakonekta ito sa kanyang cellphone sa pamamagitan ng bluetooth.

Kwento ni Rod, hindi madali ang kanyang ginagawa, ngunit nakatulong na dati na siyang dancer. Napili niya raw ang ganitong disensyo ng costume dahil na rin sa pagiging robocop fan niya simula pa pagkabata.

Noong una ay nag dalawang isip rin daw siyang gawin ang pagsasayaw sa mga pampublikong lugar dahil na rin sa pangamba na baka pagtawanan o walang pumansin sa kanya. Ngunit nilakasan nito ang loob sa paniniwalang walang mangyayari kung hindi niya susubukan.

Dagdag pa nito na ang pinaka-layunin niya naman ay makapagpagpasaya ng tao dahil ito rin ang nakakapagpasaya sa kanya.

Sino ba naman ang hindi maaaliw sa dance moves na ito ni Rod, kung personal mo siyang mapapanood magperform ay tiyak na pati ikaw ay mapapasabay at mapapaindak din sa saliw ng mga musikang kanyang sinasayaw.

Ngayong panahon ng pasko, nagca-caroling siya at minsan ay naaabutan ng pamasko, na bonus na para sa kanya. Meron na ring dalawang birthday parties ang kumontrata kay Rod para mag perform.

Sa mga nag nanais na kontakin si Rod para maging bahagi ng inyong kasiyahan, maaari siyang i-message sa kanyang facebook account. Hinggil naman sa presyo, ay maari naman aniya itong mapag-usapan.

At para naman sa mga naging tagahanga na ni Rod, hindi kayo dapat na malungkot. Dahil itutuloy-tuloy nito ang kanyang pagsasayaw sa iba’t ibang spots dito sa lungsod kahit tapos na ang Christmas season.

Sa ngayon ay mayroon nang 8,000 followers si Rod sa kanyang robotiktok_palawan account sa Tiktok.

And this Christmas, ang hiling niya ay sana dumami pa ito at mas marami pa ang kanyang mapasaya lalo na’t marami aniya ang nakakaranas ng stress dahil sa hirap ng buhay.

About Post Author

Previous articleIndividuals affected by incessant rains rise to 3,266
Next articleConcerned citizen turns over ‘Balintong’ to PCSDS