Naghigpit sa pagpapatupad ng batas trapiko ang Rizal Municipal Police Station (MPS) simula noong araw ng Linggo, October 17, kung saan humigit-kumulang 100 sasakyan ang nasita dahil sa iba’t ibang paglabag ng mga driver kagaya ng walang lisensya at mga kaukulang dokumento ng sasakyan.
Ayon kay P/Maj. Thirz Starsky Timbancaya, hepe ng Rizal MPS, ang paghihigpit ay bunsod na rin ng sunod-sunod na aksidente sa kalsada at ilang napaulat na nakawan ng sasakyan sa nasabing bayan.
“Since nag-start kami may mga naharang na kami na estimated 80-100 motorcycle na. Pero hindi lang kami naka- focus sa mga motorsiklo, even mga trucks and mga kotse, mga private vehicles ay pinapara namin,” pahayag ni Timbancaya.

Dagdag pa niya, sa kanyang apat na buwan bilang hepe ng Rizal MPS ay mahaba na panahon na umano ang ibinigay nilang palugit para sa mga motorista na karamihan ay nagmamaneho na walang mga lisensya.
“Marami ring report ng mga nakaw na sasakyan galing sa ibang munisipyo, at the same time mga galing dito na ninanakaw. Para m-prevent ito hinahanapan natin sila ng mga OR/CR ang mga motorsiklo, may mga lisensya ba sila o awtorisado na ba silang magdala ng mga sasakyan. Kasi angdami talagang mga menor de edad na nagdi-drive dito, at mga nasasangkot sa mga aksidente sa kalsada,” paliwanag ni Timbancaya.
Sa ngayon, nasa 20 motorsiklo at isang Kotse ang nasa pangangalaga ng Rizal MPS habag marami rin ang naisyuhan na ng ticket at magbayad ng kaukulang multa base sa paglabag.
Paalala ni Timbancaya, maging responsible sa pagmamaneho, i-secure ang mga dokumento ng sasakyan, at sa mga magulang iwasang pagmanehuhin ang mga kabataan na wala pa sa tamang edad.
Samantala, nagpapatuloy din ang isinasagawang pagbabantay ng pulisya sa mga kalsada para maiwasan na ang mga iligalista, at mga pasaway na mga riders sa nasabing bayan.



