QUEZON, Palawan — Patay ang isang lalaki sa Sitio Bugtong, Barangay Alfonso XIII sa bayan na ito matapos pagbabarilin ng mga hindi nakikilalang riding in tandem na mga suspek noong Huwebes.
Kinilala ang biktima na si Rusthanie Tapil, 44 anyos, at residente ng Bliss, Brgy. Alfonso XIII. Nakaligtas naman sa pamamaril ang kanyang tiyuhin na si Armando Yosures, 42, residente rin ng kaparehong barangay.
Base sa paunang imbestigasyon ng Quezon Municipal Police Station (MPS), ayon sa tiyuhin ng biktima at saksi, bandang alas sais ng umaga noong July 16 ay sinusundan sila ng mga bumaril kay Tapil mula sa view deck sa may highway hanggang sa pinangyarihan nito.
Ani Yosures sa imbestigasyon, pauwi na sila ng napansin nila na mayroong sumusunod na motor sa kanila sakay ang dalawang lalaki. Akala nila ay hihingi lamang ng tulong sa kanila ang dalawa pero sila pala ang target ng mga ito.
Sa pahayag ng kapatid ng biktima na si Myra Tañedo, maaaring pinatay ang biktima dahil sa awayan sa lupa. Tatlong gabi bago mangyari ang insidente ay may umaaligid na sa kanilang bahay para magmanman.
“Buhay pa ang kapatid ko nang maabutan namin siya at tulungan. Mayroon pa siyang pulso. Halos isang oras pa halos ang itinagal ng paghihintay namin sa lugar bago dumating ang ambulansiya, pero hindi rin nagtagal nawalan na siya ng buhay. Pagdating namin sa ospital patay na ang kapatid ko,” pahayag ni Tañedo. Aniya, awayan sa lupa dahil si Tapil ang pinagkakatiwalaan ng legal na dokumento ng pagsasampa ng kaso laban sa pamilya Azares na sumakop sa kanilang lupain.
Hustisya sa nangyari sa kanilang kapatid ang panawagan ng kanilang pamilya, ayon sa kanya.
Sa pahayag naman ng pamilya Azures sa Palawan News, sinabi ni Nenita Azures na nagulat sila sa balita at hindi totoong ang mga anak niya ang pumatay sa suspek tulad ng sinasabi ng nga naghihinala.
“Gulat na gulat kami sa balita, papaanong mangyari na ang mga anak ko ang sinasabi nilang suspek at agad-agad nilang ituturo na ang mga anak ko ang may kagagawan? Dahil ba sa mayroon silang galit sa amin dahil sa lupa, kung kaya kami na kaagad ang kanilang ituturo? Hindi lamang po kami ang kaaway nila, kahit magtanong kayo sa lahat ng mga nakasama nila, sila ang kumuha ng lupa namin, kahit iyong mga katabing lupa nila pinangsakop din nila,” pahayag ni Azures.
“Kaya pakiusap ko sana na huwag naman sana na kami ay basta na lang paratangan o husgahan. Bilang isang ina, masakit po sa parte ko na ginaganito ang aking mga anak dahil ako ang nakakakilala sa aking mga anak. Kung tutus-tuusin kami po ang agrabyado dito, dahil sa akusasyong iyan,” dagdag niya.