Retired principal, unang IPMR sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon

Retired principal ang uupo bilang kauna-unahang indigenous peoples mandatory representative (IPMR) sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon.


ODIONGAN, Romblon — Pumili na ang iba’t ibang representative ng Bantoanon Tribe sa limang bayan sa Romblon ng kauna-unahang uupo bilang indigenous peoples mandatory representative (IPMR) sa Sangguniang Panlalawigan ng kanilang probinsya.

Sa selection process na ginanap noong ika-2 ng Agosto sa Odiongan, Romblon, napili ng mga dumalong kinatawan ng IP si Lettie Festin Magango, dating IPMR sa Sangguniang Bayan ng Odiongan, bilang kauna-unahang katatubong uupo sa pwesto sa Sangguniang Panlalawigan.

Sinabi ni Magango nang makapanayam ng mga lokal na mamahayag sa Romblon na Bantoanon tribe ang unang uupo sa pwesto at susundan naman ng Sibuyan Mangyan Tagabukid (SMT) mula sa Sibuyan, at Ati tribe mula sa San Jose.

Ang Bantoanon tribe ay mula sa mga bayan ng Odiongan, Calatrava, Banton, Simara at Concepcion.

Nagpasalamat si Magango sa mga sumuporta sa kanya at nangako na paglilingkuran ang mga taga-Romblon lalo na ang tatlong tribu sa probinsya.

Bago pa man maging IPMR sa bayan ng Odiongan si Magango, naging guro muna ito at naging principal hanggang sa mag-retire sa Department of Education.

Ilan lang sa mga programang isusulong ni Magango ay ang pagkakaroon ng IP Center for Excellence building sa bayan ng Odiongan, isang transient house na pwedeng tuluyan ng mga IP sa Odiongan na manggagaling pa sa ibang lugar, at ang pagkakaroon ng sariling pondo ng opisina ng IPMR mula sa budget ng probinsya.

Sinaksihan ang selection process nina Atty. Randy Lambino, Legal Officer IV ng NCIP Regional Office sa Mimaropa, at Julito Garcia, Community Development Officer ng NCIP Interim Office – Odiongan. (PJF/PIA-ROMBLON/Romblon)

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...