SAN VICENTE, Palawan — Nahaharap sa kasong paglabag sa Forestry Reform Code of the Philippines at Chainsaw Act ang isang residente ng bayan na ito matapos mahulihan ng 364 board feet ng iba’t-ibang uri ng puno ng kahoy at isang unit ng chainsaw, Biyernes.
Kinilala ang residente na si Raul Edo na nahuli sa Barangay New Villa Fria (Kemdeng) sa munisipyong ito.
Nakumpiska ang mga kahoy at chainsaw sa operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Roxas, Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Bantay Palawan, at 33rd Marine Company (33rd MC) ng Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3).
“As usual, chainsaw at kahoy ito — nawala na sa area ang apitong kidkiran at ipil. Ang cutting stumps at slab na lang ang naiwan kaya na-recover ang dita at lomboy-lomboy na lang,” pahayag ni Jesus dela Cruz Villados ng PENRO enforcement unit.
Kahaharapin ni Edo ang mga kasong paglabag sa Section 77 ng Presidential Decree 705 o Forestry Reform Code of the Philippines at Chainsaw Act.
“Sinamantala nila sa panahon ng COVID-19. Sana tigilan na nila ang pagkalbo ng ating kagubatan kasi habang nandito kami patuloy namin silang tutugisin at huhulihin at kakasuhan,” dagdag niya.
Ang operasyon ay pinangunahan nila Villados katuwang ang 33rd MC at mga nabanggit na ahensya ng lokal na pamahalaan.