Arestado ang isang residente ng Brgy. Rio Tuba sa bayan ng Bataraza, bandang alas 10 kagabi, January 27, matapos makabili diumano sa kanya ng sachet ng shabu ang nagpanggap na buyer sa isinagawang buy-bust.
Kinilala ito ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Police Provincial Office (PPO) na si William Acob Peralta, 40, residente ng nasabing lugar.
Maliban sa nabili kay Peralta, isa pang sachet ang nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat. Nabawi din ang P1,000 na buy-bust money mula sa kanya, at halagang P8,300 na nakasilid sa kanyang pitaka.
Ayon sa PDEU, aabot sa isang gramo ng pinaghihinalaang shabu ang nakuha sa kanya na may market value na P7,500.
Kakaharapin ni Peralta ang kasong paglabag sa Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act. Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa kustodiya siya ng Bataraza police station.