SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Muling ipatutupad ng Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF) sa bayang ito ang pag-issue ng travel pass sa mga residente na pupunta sa Puerto Princesa bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sa panayam ng Palawan News kay Dra. Rhodora Tingson, municipal health officer, nitong Miyerkules, Abril 14, sinabi nito na ang pagbibigay ng travel pass ay magsisimula sa Biyernes, Abril 16, sa sandaling mapirmahan ni Mayor Marsito Acoy ang Executive Order (EO) base na rin sa napagkasunduan sa pagpupulong ng MIATF.
“Wala namang travel ban papunta sa Puert Princesa City pero kailangang kumuha ng travel pass ang lahat ng outbound residents natin. Kukuha sila ng travel pass sa kanilang mga barangay at ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan naman ay sa MDRRMO (Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office),” pahayag ni Tingson.
“Sa regulasyon na nabuo kanina, walang limit ang pag-stay nila sa Puerto Princesa ngunit kailangang mag-ingat dahil patuloy na tumataas ang kaso sa city,” dagdag niya.
Dagdag pa ni Tingson, muling maglalagay ng checkpoint ang MIATF katuwang ang Municipal Police Station at Barangay Task Force on COVID-19 sa Barangay Abo-abo, na siyang boundary ng mga bayan ng Sofronio Española, Quezon, at Narra. Dito ay hahanapan ng travel pass ang mga residente na babalik na sa bayan ng Española.
“Pagbalik na iche-check ang travel pass nila kasi doon din naman mamo-monitor ang exposure nila sa city depende sa pinuntahan nila na mga lugar sa doon,” ani Tingson.
Samantala ang mga taga lungsod ng Puerto Princesa na magtutungo sa Sofronio Española ay hindi na hahanapan ng travel pass ngunit kailangan nilang magpakita ng health certificate at negative antigen test mula sa kanilang pinanggalingang lugar.
“Lalo na kung galing sa Puerto Princesa at sa lugar na may community transmission, at mass gathering ang pupuntahan dito like kasal, party o kaya ay libing, hahanapan sila ng health certificate at negative antigen test,” paliwanag ni Tingson.
Ayon pa sa kanya, ang pag-require ng health certificate at negative antigen test sa mga taga Puerto Princesa at sa mga lugar na may mga community transmission ng COVID-19 ay noon pang Abril 7 sinimulang ipinatupad.
