Nabiktima ng scam sa pagbebenta ng ticket sa barko na nagkakahalaga ng P4,870 ang isang residente ng Araceli at isang delivery rider, bandang 7:55 kagabi, sa Barangay Santa Monica, Puerto Princesa City.
Ayon kay Cheryl Guzman, nag-post siya sa page ng Montenegro Shipping Line na gusto niyang bumili ng ticket sa barko dahil uuwi silang mag-iina sa Negros mahigit isang linggo na ang nakalilipas habang siya ay nasa bayan pa ng Araceli.
“Nag-post kasi ako sa Montenegro kung paano ako makakabili ng ticket pauwi sa Negros kasi ayoko nang magpila pila. Mahaba daw ang pila, [at] saka marami akong kasamang bata,” pahayag ni Guzman.
Pagkatapos niyang mag-post ay may nag-comment na nagsasabing “PM” o private message. Nagngangalan umano ito na Cassandra dela Cruz ng CT Biyahero.
Kuwento ni Guzman, binentahan siya ni Dela Cruz ng ticket sa barko, na kanya namang pinaniwalaan na lehitimong negosyo dahil hiningian pa siya ng S-Pass at ilang travel requirement na ipinatutupad dahil sa COVID-19.
Aniya, sinabihan niya si Dela Cruz na bibili talaga siya ng ticket, ngunit maghintay lang ito, at huwag muna silang i-book dahil may hinihintay pa siya. Ngunit nagpilit umano si Dela Cruz at sinabing na-book na ang mga ticket nila.
Noong Linggo ng gabi, Mayo 22, isang delivery rider ang dumating sa bahay na kanyang tinutuluyan sa Brgy. Santa Monica at dala nito ang brown envelope ng mga ticket na diumano ay padala ni Dela Cruz at na-pick up sa Manalo Street.
Pinagbabayad siya ng halagang P4,870 na una nang nabayaran kay Dela Cruz ng delivery rider na umapila muna na huwag pangalanan. Dahil sa pagtanggi niya na bayaran ang halaga, nagkaroon ulit nang diskusyon sa pagitan nila ng rider na humantong sa desisyon na buksan nila ang brown envelope at tingnan ang laman nito.
Pareho silang nagulat dahil ang laman lang nito ay dalawang piraso ng bond paper at dalawang sobreng puti. Matagal pa silang nag-diskusyon dahil ayaw ni Guzman na magbayad sa rider kaya para ayusin ang problema ay nagpatawag na sila ng tanod ng Brgy. Santa Monica at tumungo sa barangay hall.
“Bakit sa Manalo siya nag pick-up, sabi niya (Dela Cruz) sa akin ang address niya ay sa Baltan,” pahayag ni Guzman.
Pumunta rin ang isa pang empleyado ng delivery service na tumanggap ng booking para sa rider at ipinaliwanag na si Dela Cruz ang nagpadala ng mensahe sa kanila para i-deliver ang envelope kay Guzman.
Paliwanag nang empleyado na nagpakilala lang bilang si Aya, tinawagan nila si Guzman para i-confirm kung may inaasahan ba itong padala bilang receiver, na sinang ayunan naman nito.
“Bago po namin tinanggap mag-booking tinawagan namin si reciever (Guzman) na may padala siya na nasa P4,800 na halaga, sabi niya ‘oo’ daw po, kaya nagtawag na kami ng rider,” pahayag ni Aya.
Ayon kay Aya na siyang nakatanggap ng booking ng sender na si Dela Cruz, dahil sa privacy policy, hindi nila pinapayagan ang mga rider na buksan pa ang mga padala.
Sa huli, nagkasundo na lang sina Guzman at ang rider na paghatian ang halaga na P4,870 na nakuha ni Dela Cruz na sinasabing scammer.
