Nakatakdang bumalangkas ng regulasyon ang Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO) kasama ang mga lokal na pamahalaan ng mga barangay ng Berong, Pinaglabanan, at Quinlogan para sa pagpapatupad ng checkpoint na magbabantay sa pagpasok at paglabas ng mga namimili ng baboy na nagsisilbing “middlemen” sa bayan ng Quezon.
Ang pagbabantay sa tatlong barangay na nagsisilbing entry at exit points ng nasabing bayan ay dahil na rin sa kompetisyon sa presyo ng buhay na baboy sa pagitan ng lokal na mamimili at ng mga nanggagaling sa labas na nag-aalok ng mas mataas na presyo.
Ang usapin ay nag-ugat sa mga hinaing na ipinarating ng mga local buyer at pork meat vendor na hindi na sila nakakabili ng baboy sa mga dating binibilihan nila dahil binibenta na daw ito sa mga taga labas at sa mas mataas na presyo na P150 kada kilo kumpara sa presyo ng bilihan nila na P120 lamang kada kilo ng buhay na baboy.
Sa panayam ng Palawan News sa hepe ng MEEDO na si Atty. Ryan Pacabis nitong Biyernes, Pebrero 5, sinabi nito na makikipagpulong sila sa mga opisyales at swine farmers sa tatlong nabanggit na barangay kasama ang Municipal Price Coordinating Council (MPCC) sa darating na Martes, Pebrero 9, upang pag-usapan ang nasabing regulasyon.
“Gagawin ito upang mapigilan ang competition ng presyo ng live pig sa ating bayan. Sa pamamagitan nito, hindi maaapektuhan ang mga local buyer natin,” pahayag ni Pacabis.
“Naintindihan naman natin ang hinaing nila at napilitan din silang itaas ang presyo ng live pig nila sa P150 pero [ang epekto ay] tataas din syempre ang presyo ng karne sa palengke na P250/kilo. Kaya napagkasunduan din namin sa pulong with MPCC na itaas nila ang live pig nila at ipatupad ang checkpoint sa middlemen natin na pumapasok dito”, dagdag paliwanag niya.
Isang buwan lang diumano ito at titingnan kung kaya ng ibalik sa dating presyo ang buhay na baboy sa lokal para maibaba na rin ang presyo sa palengke.