SAN VICENTE, Palawan — Maari nang magamit ng New Agutaya Elementary School (NAES) sa bayang ito ang Radio Based Instruction (RBI) system matapos na makumpleto ang installation ngayong araw ng Miyerkules, Mayo 26.
Ang RBI sa NAES na isang learning modality na ipinatupad ng Department of Education bilang tugon sa pandemyang dulot ng COVID-19 ang kauna-unahang sa bayan ng San Vicente.

“NAES palang ang may installed RBI equipment dito sa San Vicente. As of now, the school is still preparing for the script and daily programs to be broadcasted by the teachers,” pahayag ni Alma Dalipe, Principal ng paaralan.
Inaasahang sa ikalawang linggo ng Hunyo ay mag sisimula na ang paaralan sa RBI system.
Sa pamamagitan ng RBI system, magsisilbing program host ang guro sa radio station sa loob ng paaralan habang ang mga estudyante naman ay makikinig sa mga radyo sa kani-kanilang tahanan. Ito ay mapa pakinggan ng mga mag-aaral sa frequency na 88.9 sa fm band.
“Ito po ay isa pang modality aside from modular print na gagamitin ng school to deliver education to our learners this time of pandemic. Through RBI ay mas mapagaan ang pag-aaral at pagsasagot ng mga bata sa kanilang module kasi mapapakinggan nila ang paliwanag ng guro tungkol sa lesson,” paliwanag ni Dalipe
“Thru their cellphone o sa kanilang magulang o fm radio kung meron sila sa bahay. Yung wala naman, yan pa ang gagawaan ng paraan ng school na makahingi ng tulong sa ating mga stakeholders,” dagdag niya.
Ayon pa kay Dalipe, pagkakasyahin nila sa air time ng kanilang lecture mula Grade 1 hanggang Grade 6 sa sandaling simulan nang ipatupad ito.
Sa kasalukuyan ay pinaghahandaan na rin ng mga guro ang kanilang mga programa para dito.
“Nakapag-attend naman lahat ng guro sa isang linggong webinar about the implementation of this modality. In additon, nakapag-benchmark din sila sa ibang school na nag-i-implement na ng RBI. Sa equipment ay na-orient na rin kami ng nag-installl,” pahayag ni Dalipe. “May teachers din na nag-attend ng webinar on script writing. Masasabi ko na hindi pa kami 100 percent ready kasi hindi pa kami experts pagdating dito but along the way matututo rin kami,” dagdagniya.
Ayon pa sa kanya, bagama’t may RBI system na ay hindi pa rin aalisin ang modular way ng pagtuturo.
“Not all subjects naman ay kasama sa program. Yong medyo nahirapan lang ang mga bata like english, math, science. Meron pa rin pero less na kami sa numbers of pages,” paliwanag niya.
Nagbibigay umano sila ng number na maaring makontak ng mga mag aaral kung sakaling may mga katanungan at klaripikasyon ang mga ito.
“Sa evaluation of their performance, based pa rin sa answers nila doon sa activities/performance tasks sa module na ibinigay namin sa kanila. Magco-conduct pa rin kami ng home visitation to personally monitor our learners and if situation warrants, kasi delikado rin katulad ngayon na tumataas ang bilang ng positive cases,” aniya.
Nabanggit din ni Dalipe ang mga problemang maaring kaharapin ng estudyante sa ilalim ng RBI system.
“Isa sa problema namin ay ang mga bata na labas na sa range ng aming radio. Magpro-provide pa rin kami ng recorded script para sa kanila, at sa mga wala ring radyo at walang pambili,” aniya.
“[Nandiyan din ang] distractions dulot ng mga trabaho na pinapagawa sa kanila at ingay sa paligid during time of broadcast ng kanilang adviser, lack of guidance ng parents habang nakikinig sila dahil busy din sa trabaho,” dagdag niya.



