Ang furniture maker na si Mario Capoquian (kaliwa) habang nakaupo sa isa sa kanyang mga likha. (Photo from the Narra Tourism Office Page)

Hindi naging hadlang ang pandemyang dulot ng COVID-19 para sa isang rattan furniture maker sa bayan ng Narra na patuloy pa ring kumikita sa kanyang tanging kabuhayan, upang maitawid ang pang araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.

Sa tagal niya sa kanyang negosyo ay maituturing na ang 62 taong gulang na si Mario Capoquian na isang world class furniture maker.

Kabilang sa kanyang mga naging kliyente ay ilang malalaking hotel sa ibang lugar, beach resorts, at mga sikat na tv personality.

Naniniwala si Capoquian na de kalikad at maganda ang kanyang mga likha dahil na rin sa ilang mga malalaking kliyente na ang bumili sa kanya. Madalas din siyang kinukuha ng Department of trade and Industry (DTI), lokal na pamahalaan at mga barangay bayan ng Narra at maging sa lalawigan ng Samar para manguna sa rattan training making.

- Advertisement -
Photo from the Narra Tourism Office Page.

“Ilan sa mga naka-order sa akin si Boy Abunda at ilang mga director ng TV, mga hotel sa Manila at marami pa pong iba,” pahayag ni Capoquian.

Paliwanag niya, ang kaniyang talento sa paggawa ng furniture mula sa rattan ay maipagmamalaki niya sa lahat dahil ito ang kanyang naging sandalan para mapagtapos niya sa kolehiyo ang anim niyang anak habang ang bunso naman ay nag-aaral pa. Dagdag niya, hanggang ngayon ay malaking tulong ito sa kaniyang pamilya para sa pang araw-araw na pangangailangan.

Si Capoquian ay nagsanay ng rattan art making Metro Manila noong taong 1974 at taong 1981 naman nang mapunta sa Puerto Princesa City kung saan siya nagsimula ng kanyang negosyo. Dito rin siya unang nakakuha ng kontrata mula sa malalaking hotel para gumawa ng mga rattan furnitures.

Ang mga gamit niyang yantok naman ay binibili sa mga rattan cooperatives mula sa Barangay Caruray sa bayan ng San Vicente.

Hindi nagtagal ay napunta naman siya sa bayan ng Aborlan at sa Narra kung saan niya nakilala ang kaniyang naging asawa bago bumalik sa Samar.

“Taong 2007, bumalik ako sa aking lugar sa Samar para kumustahin ang aking mga magulang doon at ang lupa namin,” sabi niya.

Doon ay ipinagpatuloy niya ang paggawa ng rattan furniture kung saan, mas lalo pa ring dumami ang kaniyang mga kliyente sa buong Samar at sa Leyte.

Taong 2016 nang bumalik siya sa Palawan at nagpahinga sa paggawa ng furniture sa loob ng apat na taon.

Taong 2020 nang muli niyang inayos ang kaniyang furniture shop Brgy. Teresa at muling gumawa ng rattan furniture.

“Kahit nagpandemya noong 2020 parang hindi ko naman po naramdaman. Marami pa rin ang bumili sa aking mga gawa at ilang mga hotel pa rin sa Puerto Princesa ang napagbentahan ko. Hanggang ngayon ay nakakabenta pa rin ako. Ngayon ang mataas na presyo na sala set ko ay 30 hanggang 35 thousang pesos pero mayroon namang mura,” aniya.

Dagdag niya, sa edad niya ngayong 62 years old, kaya niya pa ring gumawa ng mga rattan furniture at maituturing niya lamang itong libangan dahil siya ay nagkakaedad na.

“Itong pito kong anak, sila ang una kong nabigyan ng talento ko, ibinahagi ko rin sa kanila yan kahit na sila ay mga propesyunal na. May edad na rin ako at sana yoong mga naisanay ko noon ay sila ang magpapatuloy ng kalidad na disenyo na mula mismo sa Palawan,” dagdag niya.

Ang istorya na ito ay unang lumabas sa Narra Municipal Tourism page.

Previous articlePalaweños compete in Pilipinas obstacle race
Next articleMaritime police deny allegations of involvement in disappearance of smuggled cigarettes
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.