Mahigpit na ipinatutupad ngayon sa bayan ng Taytay ang Executive Order No. 52, series of 2021, o ang implementasyon ng Quarantine Pass System sa Barangay Poblacion habang nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ang Brgy. Poblacion ay isinailalim sa GCQ simula noong Mayo 28 at magtatagal hangga’t wala pang abiso ang Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) ng mga pagbabago.
Pangunahing layunin ng Quarantine Pass System ay malimitahan ang galaw ng tao sa mga essential na pangangailangan lamang at mapaigting ang pagpapatupad ng mga ipinaiiral na minimum public health standards upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng virus.
Inilabas ng MIATF ang desisyong ito matapos makapagtala ng nakakabahalang kaso ng COVID-19 sa Bgy. Poblacion nitong mga nakalipas na araw.
Sa huling ulat ng Municipal Health Office (MHO) noong Mayo 30 ay umabot na sa 30 ang kaso ng COVID-19 sa Bgy. Poblacion kung saan, pito ang RT-PCR positive at 23 naman ang antigen reactive.
Dagdag ng MHO, hindi pa kasama rito ang bilang ng mga contacts na maaari ring magpositibo.
Ang Bgy. Poblacion ang may pinakamataas na populasyon kung saan, nandito ang sentro ng lokal na pamahalaan at kalakalan. Dito rin matatagpuan ang mga mga opisina ng iba’t- ibang ahensya ng gobyerno, sentro ng edukasyon, mga pribadong establisyemento at maging religious institutions sa Bayan ng Taytay.
Ayon sa MIATF, may dalawang klase ng quarantine pass na maaring makuha sa barangay hall. Ito ay ang para sa household head na tanging otorisadong indibidwal ng tahanan na maaring lumabas para sa essential na pangangailangan at ang para naman sa mga self-employed individuals, at iba pang nagta-trabaho sa informal sector gaya ng mga naglalako ng produkto at mga karpenterong arawan ang trabaho.
Ayon naman kay municipal administrator Robinson Morales, ang patakaran ay ipatutupad din sa iba pang mga barangay ng Taytay.
“Sa pamamagitan nito ay maiiwasan natin ang non-essential na mga lakad ng ating mga kababayan. I-extend pa namin sa mga barangay dahil maganda ang epekto,” paliwanag ni Morales.
