Ilang mga katutubong Pala'wan a nakatanggap ng tulong medikal |

SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Nakatanggap ng iba’t-ibang serbisyong medikal ang mga katutubong Palaw’an sa Sityo Maribong sa Barangay Pulot Interior kahapon, araw ng Lunes (Marso 1) sa isinagawang medical mission ng 1st Palawan Provincial Mobile Force Company (1st PPMFC) sa Palawan sa pakikipagtulungan ng local government unit (LGU) at iba pang mga stakeholders.

Kabilang ang mga senior citizen sa nakatanggap ng libreng konsultasyon at gamot samantalang tuli naman ang natanggap ng kabataang katutubo.

Nagkaroon din ng dayalogo sa mga kababaihan kaugnay sa family planning bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng Women’s Month ngayong buwan ng Marso.

Ayon kay P/Lt. Col. Eldie Bantal, pinuno ng 1st PPMFC, ang ganitong misyon ay dahil sa hangarin ng kanilang hanay na makapag-abot ng serbisyong medikal sa mga katutubo sa malalayong komunidad at maramdaman nila ang programang pang-kalusugan ng gobyerno.

“Nagpapasalamat tayo sa mga stakeholders natin na laging tumutulong sa atin at isa sa mga pangarap natin at hangarin ay abutin ang mga katutubo ng ganitong klaseng mga serbisyo gaya ng pagbibigay ng gamot at pagbibigay ng kaalaman sa mga lider ng pamilya para mapagtibay ang isang pamilyang katutubo. Kailangang maramdaman nila na ang gobyerno ay malapit sa kanila,” pahayag ni Bantal.

“Isa pa, part din ito ng community retool natin, dahil alam natin na mas malaki ang chance ng recruitment sa mga ganito ng mga makakaliwang grupo sa mga komunidad na sobrang malayo, kaya nais nating maabot ang iba pang community sa ating mga malalayong lugar dito,” dagdag niya.

Samantala, nagpasalamat naman si punong barangay Jessie Galang ng Pulot Interior sa isinagawang aktibidad ng 1st PPMFC dahil isa ang komunidad ng Sitio Maribong na may mahigit 40 IP household ang naabot ng ganitong klaseng aktibidad para sa mga katutubo.

“Sa LGU, sa 1st PPMFC, at sa stakeholders, nagpapasalamat kami sa medical mission na ito, dahil kung sa amin lamang po sa barangay, nagagawa naman namin ito pero mahirap sa ngayon, kaya malaking bagay na naabot ang community na ito. At tayo naman sa barangay ay maayos naman ang komunidad na ito. Sa mga medical mission ng mga private o government health mission ay lagi itong napupuntahan,” pahayag ni Galang.

About Post Author

Previous articleMindanao State University to open satellite campus in Bataraza
Next article9 na mangingisda na nagsasagawa ng illegal fishing, arestado ng SOU-MG Balabac
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.