PUV na may numero 1, nahihirapan umano sa dagdag na ruta


Nahihirapan umano sa bagong ipinapatupad na traffic scheme ng lungsod na nagsimula noong Lunes, Enero 16, and ilang driver ng mga Public Utility Vehicles (PUVs) na may numero 1.

Matatandaang nagdagdag kamakaraan ang lokal na pamahalaan ng mga ruta para sa mga multicab at dyip na bumabiyahe sa lungsod. Base sa ilang panayam at pagkalap ng opinyon, sinabi ng ilang multicab drayber na karamihan ng mga nabigyan ng numero 1, o yaong mga dumaraan sa Junction 1 at lalabas sa Malvar Street, ay nahihirap sa nasabing ruta. Simula nang naipatupad daw ito, mahina na ang kanilang kita dahil kakaunti pa lamang ang nakakaalam sa nasabing dagdag na ruta at nasanay daw umano ang mga tao na sa Rizal Avenue nag-aabang ng multicab palabas ng Junction 1.

“Halos isang linggo na walang kita, kasi nga sanay ang tao sa multicab na palabas ng Junction 1, tapos dagdag pa ang sikip ng kalsada dito sa Malvar,” turan ni Jaime Butolan.

Ipinaaabot din ng mga drayber sa mga kinauukulan na sana bago diumano ipinatupad ang nasabing mga dagdag ruta ay naisaayos muna ang mga kalsada. Isinaayos din umano sana ang mga nakaparada sa hindi tamang lugar na nagiging sanhi ng trapiko partikular sa Malvar Street.

Ayon naman kay Col. David Martinez, Public Safety and Order Head, sa mga unang linggo batid nila na mahihirapan ang publiko, at pakiusap nila ang konting tiyaga.

“Alam naman natin na mga unang linggo mahirap pa talaga, pero sa mga susunod maayos din ito basta hinihingi lang natin na makipagtulungan sila sa atin at maaayos ang lahat ng ito”, ani Martinez.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng City Traffic Management Office para sa kaayusan ng daloy ng trapiko para sa pagpapatupad ng bagong sistema.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...

Add a Comment

Your email address will not be published.