Sep 26, 2020

Puspusan ang contact tracing sa El Nido

Ito ay ayon sa opisyal na pahayag ni Dr. Marian Relucio, Municipal Health Officer ng bayan.

Image by Bella Mutia.

 

EL NIDO, Palawan — Siyam sa mga nakasama sa barko ng unang nag-positibo sa COVID-19 na locally stranded individual (LSI) ang sumailalim ang mga swab sa RT-PCR noong Lunes, Hulyo 27. Isa pang LSI naman ang nakatakdang i-swab ngayong Martes.

Ito ay ayon sa opisyal na pahayag ni Dr. Marian Relucio, Municipal Health Officer ng bayan.

Ayon kay Dr. Relucio walang dapat ikatakot ang komunidad sa pagkakaroon ng unang kaso ng COVID-19 sa bayan dahilan ang kasong ito aniya ay isang imported case kung saan ang sakit ay nakuha mula sa ibang lugar.

“Mahigpit na sinusunod ng lokal na pamahalaan ang quarantine protocol kung kaya’t ang partikular na kasong ito ay walang ibang lugar na napuntahan at walang ibang nakasalamuha kundi ang mga health workers at mga frontliners na mayroong sapat na PPEs,” pahayag ni Dr. Relucio.

Dagdag pahayag ni Dr. Relucio, nailipat na sa isolation facility ng bayan ang kumpirmadong COVID-19 pasyente na walang ipinakitang sintomas. Mananatili aniya s’ya roon kasama ang kanyang asawa sa susunod na pitong araw at muling isasailalim sa rapid testing pagkatapos nito.

Samantala, ang iba pang nakasama ng nagpositibong LSI ay nananatili sa ibang quarantine facility ng bayan habang hinihintay ang resulta ng kanilang RT-PCR testing.

Matatandaang nag-positibo sa RT-PCR swab test ang isang babaeng LSI na dumating sa bayan na sakay ng batil na MV/ May Lilies mula sa Maynila noong July 11 matapos itong sumailalim sa 14 na araw na quarantine.

Pagkatapos nito ay muling isinailalim ito sa rapid diagnostic test (RDT) bago pa man ito papauwiin sana ng nag-positibo siya sa IgG at IgM kaya agad s’yang isinailalim sa RT-PCR Swab test at nalamang positibo ito sa COVID-19 virus nitong Lunes.

Nanawagan ng pag unawa, suporta at pagtutulungan ang pamahalaang lokal ng bayan ng El Nido sa komunidad habang patuloy na nagpaalala ang Municipal Health Unit ng bayan sa pagsunod sa tamang alintuntunin ng Inter-Agency Task Force (IATF) tungo sa ligtas na komunidad laban sa COVID-19.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry