Sinibak na ni Philippine National Police (PNP) chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr. si P/MSgt. Rodolfo Mayor Jr., ang pulis na inaresto sa Maynila noong Oktubre ng nakalipas na taon, matapos makitaan ito ng halos isang tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa lending company na mismong pag-aari nito.

Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si P/Col. Jean Fajardo, inaprubahan na at pinirmahan ni Azurin ang dismissal order ni Mayo na may petsang March 6 base sa rekomendasyon ng Internal Affairs Service (IAS). Sinibak siya sa serbisyo dahil sa napatunayan na “grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.”

Si Mayo ay miyembro ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) na naaresto noong October 9, 2022, matapos masakote sa sting operation ang accomplice nito na si Ney Atadero noong October 8, 2022, na may dalang dalawang kilo ng shabu.

Ang pag-aresto kay Atadero ay nagdala sa police operation sa lending business ni Mayo sa Quiapo, Manila, kung saan nakita ang marami pang kilo ng shabu.

“The dismissal order of Sgt. Mayo is now for implementation after it was signed by the Chief PNP. He will receive nothing. All of his privileges as police are gone. His retirement benefits are all forfeited,” pahayag ni Fajardo sa mga media sa press briefing sa Camp Crame.

Ayon pa kay Fajardo, sana ay magsilbi na wake-up call sa kanilang hanay ang nangyari kay Mayo dahil hindi itotolerate ng PNP ang mga pulis na gumagawa ng katiwalian.

Ipinaliwanag din ni Fajardo na kung tumagal man ang desisyon, ito ay dahil kailangang sundin ang due process sa pag-iimbestiga sa kaso ni Mayo upang masiguro na hindi ito makakabalik sa serbisyo.

Sa kasalukuyan ay naka detine si Mayo sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City dahil sa kasong kriminal na hinaharap nito dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“He is still in jail while his trial is ongoing in the criminal case for violation of Republic Act 9165, he will remain in the custody of the Bureau of Jail Management and Penology,” ayon kay Fajardo. (PNA)

About Post Author

Previous articleUS, Japan ROVs, specialized bag from SG, UK, seen to contain Mindoro Oil Spill
Next articleMost wanted na mangingisda dahil sa paglabag sa wildlife act, inaresto sa Aborlan