[UPDATED] Magtatayo ang pamahalaang panlungsod ng Puerto Princesa ng standard daycare centers na magiging bago ang disenyo sa mga barangay ng Luzviminda, Mangingisda, Lucbuan, Concepcion, Maruyugon, Cabayugan, Napsan, at San Rafael.

Noong Enero 27 ay sinimulan na ang groundbreaking ceremony ng mga ito sa pangunguna ni mayor Lucilo Bayron, kasama ang ilang opisyales ng lungsod.

Nagkakahalaga ng P14.8 milyon ang kabuuang daycare center project na itatayo sa loob lamang ng 240 araw kung kaya’t inaasahang matatapos ito sa Setyembre 24, 2022. Mula sa General Fund ng city government ang pondong inilaan sa pagtatayo ng mga nasabing gusali at gagawin ito sa pamamahala ng City Engineering Office.

Sa mensahe ni Bayron sa isang groundbreaking ceremony, sinabi nito na ang pagtatayo ng mga daycare center ay isang investment ng pamahalaang panlungsod para sa mga kabataan na magiging lider sa mga darating na panahon.

Sinabi rin ng alkalde na mahalaga ang mga daycare center dahil dito ang unang pagkakataon na tinuturuan o hinuhubog ang mga bata.

Inaasahan naman ng pamahalaang panlungsod na sa bagong disenyong mga day care center ay mas mai-engganyo ang mga bata na may edad tatlo hanggang apat na taong gulang na pumasok sa nasabing paaralan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About Post Author

Previous articleP1.9 bilyon na pondo, hiling ng DHSUD para sa mga nasalanta ni Odette sa Palawan
Next articleRomblon town’s STI committee eyes projects on utilization, management of wastes from marble industry