ODIONGAN, Romblon – Hinihikayat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Romblon Provincial Environmental and Natural Resources Office (PENRO) ang publiko na iparehistro ang kanilang mga lupa na hanggang ngayon ay wala pa ring titulo.
Ayon kay Allan Sendiong, Land Management Officer ng DENR-Romblon PENRO, napakahalaga ng titulo bilang patunay na pagmamay-ari ng isang lupa at hindi ang nakasanayan ng publiko na ‘tax declaration’ na binabayaran sa mga Municipal Assessor Office.
“Matatawag lang kasi yan [lupa] na private property pag may titulo lang, pagka-tax declaration lang kasi ‘yan hindi ‘yan matatawag na private property kahit kayo pa ang nagbabayad ng buwis kaya samantalahin niyo na ang programa ng DENR, mag-apply na po kayo ng title,” panawagan ni Sendiong ng ito ay maging panauhin sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon noong Enero 20 sa DTI Negosyo Center sa Odiongan.
Nakakatulong din aniya para sa isang bayan kung marami sa mga lupa rito ay may titulo dahil nadagdagan umano ang Internal Revenue Allotment (IRA) ng isang bayan.
Sa ngayon, dalawa ang kapamaranan para magpatitulo ng lupa: ang paghain sa korte ng ‘Petition for Original Registration of Title’ at ang paglapit sa ahensya ng gobyerno katulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung saan prinoproseso ang pagtitulo ng mga public land patents.
Siguraduhin lang umano na may patunay ang isang claimant ng lupa na ito ay sa kanya katulad ng binabayarang tax declaration bago pumunta sa DENR para magpasa ng mga kinakailangan sa aplikasyon para sa isang titulo. (PJF/PIA-Mimaropa/Romblon)