Makakaranas ng mataas na singil sa kuryente simula ngayong buwan ang mga mamamayan ng Barangay Rio Tuba sa bayan ng Bataraza ayon sa Power Source Philippines Incorporated (PSPI), ang kumpanyang nagbibigay serbisyo ng elektrisidad sa lugar.
Ayon sa pamunuan ng PSPI, posibleng umabot hanggang buwan ng Mayo ang pagtaas nila ng singil sa kuryente dahil sa pagkalugi na nagresulta sa kawalan ng capital at ang hindi pa naibibigay na power subsidy ng National Power Corporation (NAPOCOR).
Enero 25 taong kasalukuyan nang magpadala ng liham ang PSPI sa lokal na pamahalaan ng Brgy. Rio Tuba upang ipaalam ang napipintong pagtaas ng singil sa kuryente.
Nakasaad sa nasabing liham ang dahilan ng kumpanya kabilang na nga ang pagkalugi nito at ang subsidiya mula sa NAPOCOR na simula taong 2019 hanggang 2020 ay hindi pa nila natatanggap.
Ayon kah PSPI general manager Bartolome Mallorca, malaking tulong sana ang subsidiya na aabot sa P157 milyon upang hindi maapektuhan ang kanilang operasyon.
Idinagdag pa niya ang umano’y kawalan ng aksyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa kanilang aplikasyon para sa extension ng kanilang operasyon matapos na mag-expire ang kanilang Qualified Third Party Subsidy and Service Contract (QTPSSC) noong Hunyo 17, 2020.
“Ang PSPI ay patuloy na nagseserbisyo sa Rio Tuba sa kabila ng mga nabanggit na hadlang. Patuloy din na nalulugi ang aming operasyon,” ani Mallorca sa kanyang liham.
Samantala ayon kay kapitan Nelson Acob, isa sa mga kasunduan na ginawa nila sa PSPI ay hintayin ang tatlong buwan simula ngayong Pebrero na makagawa ng nararapat na aksyon ang barangay council at LGU para maibigay ng NAPOCOR ang subsidiya para sa kumpanya.
“Umaasa tayo na sasagot ang NAPOCOR sa kahilingan ng PSPI para hindi tayo maapektuhan dito sa Rio Tuba,” ani Acob.
“Noong June 18, 2020, ang konseho natin kasama ang Sangguniang Bayan ng Bataraza ay nagbigay ng Emergency Provisional Authority (EPA) upang maipagpatuloy lang ang serbisyo nila dahil marami talaga ang maaapektuhan at tumulong naman ang mga mining companies natin dito,” dagdag niya.
Ayon kay Acob, isa sa mga plano talaga noong 2020 ay isalin ang operasyon nito sa Palawan Electric Cooperative (PALECO) ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na tugon dito ang PALECO.
Enero 31 ngayong taon ay isinagawa ng PSPI ang public consultation para ipaalam na itataas nila ang kanilang presyo mula sa dating 8.50/KW na gagawing 19/KW na siya namang nagsimula na ngayong Pebrero.
Samantala, ayon kay Vivencio Docena, isang negosyante sa Rio Tuba, malaki ang epekto sa operasyon ng kanyang negosyo ang pagtaas ng PSPI sa presyo ng kuryente ngunit wala siyang magawa dahil sa napakaimportante ng kuryente sa kanyang araw-araw na negosyo.
“Sobrang bigat sa amin na ordinaryong mga negosyante at mamamayan dito. Wala akong choice kaya sana magawan din ng pamahalaan na mapababa ang presyo ng kuryente dito sa aming barangay. Wala na kaming magandang kita, mahal pa ang kuryente,” aniya.