Lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ang kinatawan ng DAR at 13 ARBO (ARB Organizations) mula sa walong bayan sa Romblon kaugnay sa proyektong Convergence on Livelihood Assistance for Agrarian Reform Beneficiaries Project (CLAAP) na sinaksihan ni Mayor Trina Alejandra Firmalo-Fabic.(Larawan ni Paul Jaysent Fos/RNN)

ODIONGAN, Romblon – Inilunsad kamakailan sa bayan ng Odiongan, Romblon ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang kanilang bagong proyektong Convergence on Livelihood Assistance for Agrarian Reform Beneficiaries Project (CLAAP) para sa walong bayan sa Romblon.

Ang nasabing proyekto ay may layuning makapagbigay tulong sa 388 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa probinsya ng Romblon.

Katuwang ng DAR ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbuo at pagpopondo nito, pagkakaloob ng technical assistance sa pamamagitan ng mga pagsasanay, pagtuturo kung paano magpatakbo ng negosyo at pagpapalago ng iba’t ibang proyektong pangkabuhayan para sa microenterprises.

Ayon kay DAR Undersecretary Karl S. Bello, ang ilang serbisyong mapapakinabangan ng mga ARB sa CLAAP ay ang pagkakaroon ng mga technical assistance gaya ng mga pagsasanay, paggabay at mentoring sa pangangasiwa ng isang samahan at paggawad ng mga kapital para suportahan ang mga pagpapatakbo at pagpapalawak ng operasyon ng samahan.

Pangunahing layunin ng CLAAP ay mapataas ang kita ng mga maralitang ARB nang hanggang 15 porsiyento sa loob ng limang taon pagkatapos ng proyekto.

Nilagdaan din ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng mga opisyal ng DAR at 13 ARBO (ARB Organizations) mula sa mga bayan ng Odiongan, San Agustin, San Andres, Ferrol, Sta. Fe, Alcantara, Looc at Santa Maria.

Malaki naman ang pasasalamat ng ilang Agrarian Reform Beneficiaries sa nasabing proyekto nang makausap ng lokal na mamamahayag kung saan sinabi ni Paul Moscoso mula sa Calatrava na malaking tulong sa kanila ang proyektong ito lalo sa katulad nilang maliit lang ang kapital sa produksyon ng walis tambo.

Maliban kay Atty. Bello, dumalo rin sa naturang pagtitipon sina DAR-Mimaropa Regional Director Eugene P. Follante, Romblon Governor Eduardo C. Firmalo, SP Member Felix Ylagan at Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic na nagsilbing saksi sa nilagdaang memorandum of agreement.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Previous articleCOMELEC OrMin preps up gov’t partners for May elections
Next articleIt’s In the Little Things