Prov’l Veterinary Office, inumpisahan na ang mass vaccination sa bayan ng Rizal

Rizal, Palawan


Inumpisahan nang mag-ikot ng Provincial Veterinary Office para mamigay ng libreng bakuna sa mga alagang aso at pusa sa lalawigan bilang bahagi ng ‘Rabies Free Philippines 2020’, isang programa na isinusulong ng national government simula pa noong 2014.

Sa pangunguna ni Dr. Carla A. Limsan, Provincial Rabies Coordinator, nag-umpisa ang tanggapan ng mass vaccination sa bayan ng Rizal noong Lunes, January 30 sa Bgy. Panalingaan, Bgy. Culasian at nmaging sa Bgy. Punta Baja. Tumungo din ang kinatawan ng Tanggapan  sa Bgy. Iraan at Bgy. Bunog ng nasabing munisipyo.

Pinupuntahan nila ang bawat bahay para irehistro ang mga alagang aso at pusa bago nila tuturukan ng anti-rabies vaccine at pagkatapos ay bibigyan nila ng certificate of vaccination ang may-ari. Isa umano sa malalaking hamon sa kanilang pag-iikot ay may mga nag-aalaga ng aso na takot hawakan ang mga ito dahil baka raw sila ay makagat. Patakaran kasi nila ay hangga’t hindi hinahawakan ng amo ang alaga nilang hayop ay hindi nila ito babakunahan.

Ayon pa kay Dr. Limsan, isa rin sa kanilang isinusulong ay ang responsible pet ownership. Aniya, ang pag-aalaga ng anumang hayop ay may kaakibat na responsibilidad. Una, dapat pag-usapan muna ng buong mag-anak kung handa ba silang mag-alaga ng hayop. Dapat isaalang-alang ng mga may-ari kung kaya ba nilang pakainin ng regular at mabigyan ng sapat na oras o atensyon ang kanilang mga aalagaang hayop.

Ani Limsan, kasama ito sa mga pangangailangan ng hayop at dapat ay handa ang mga may-ari na maging emotionally attached sa mga ito dahil ito ay hindi lamang basta hayop kundi magiging bahagi na ng kanilang pamilya. Pangalawa, dapat mabigyan ng taunang bakuna ang mga ito para hindi sila maperwisyo at makaperwisyo. Pangatlo, dapat nakatali ang mga ito kapag ilalabas nila sa kanilang bakuran at hindi pakalat-kalat lalo na sa daanan dahil ito ay isa sa mga sanhi ng sakuna sa mga motorista, at para na rin maiwasan na ikalat nila ang mga basura. “Kung hindi niyo kayang maging responsableng tagapangalaga ng aso ay huwag na lang,” sabi ni Dr. Limsan. Nilinaw din ni Dr. Limsan na hindi totoo na likas na may rabies ang mga aso at pusa. Ang rabies umano ay isang virus na naililipat ng isang warm-blooded animal sa katulad nito. Kailangang bakunahan ang mga aso at pusa para sila ay maprotektahan at hindi na mahawaan kapag sila ay nakagat ng ibang hayop na may rabies.

Pinaalala ni Dr. Limsan, gayunpaman, na hindi raw ito dapat maging dahilan para isantabi ng mga may-ari ng hayop ang responsibilidad na magbayad ng anumang danyos dahil ayon sa batas, kapag nakakagat ang aso ay kailangang sagutin ng may-ari ang anumang medical expenses. Sa ngayon ay itinuturing na “rabies-free” ang bayan ng Rizal.

Ayon kasi sa record ng nasabing ahensya, 2012 pa ang huling naitala na insidente ng rabies sa munisipyo. Maraming report na may nakakagat ng aso pero walang naitala na may rabies ang mga ito.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...

Add a Comment

Your email address will not be published.