Ang mga personnel ng Palawan Police Provincial Office (PPO) na namigay ng mga food packs sa mga residente ng Sitio Makatumbalen, Barangay Poblacion, San Vicente

Naghatid ng tulong sa 280 na pamilya na nasalanta ng bagyong Odette ang mga personnel ng Palawan Police Provincial Office (PPO) sa Sitio Makatumbalen sa Barangay Poblacion, San Vicente, noon mismong bisperas ng pasko, December 24, sa pangunguna ni provincial director P/Col. Adonis Guzman.

Personal na ipinamigay ni Guzman, kasama ng kanyang mga personnel, ang mga family food packs sa mga residente ng Makatumbalen mula sa Philippine National Police Academy (PNPA) Kapanalig Class 1997 kung saan kabilang si Guzman.

Ayon kay Guzman, ang 200 family food packs ay ginastusan ng P100,000 mula sa PNPA Kapanalig at ang 80 naman ay mula sa San Vicente Municipal Police Station (MPS) na pinamumunuan ng hepe nito na si P/Maj. Thirz Starky Timbancaya.

- Advertisement -

Sa kanyang pananalita ay sinabi ni Guzman na bagama’t mahirap ang pinagdadaanan ng mga residente ng Makatumbalen ngayon, hindi dapat mawalan ng pag-asa ang bawat isa sapagkat sila ay makakabangon din.

“Babangon tayong lahat, walang maiiwan sa atin. Naniniwala ako na ang mga tao sa Palawan, dito sa San Vicente, ay mapayapa at maka-Diyos, sapagkat wala pa kaming report o nabalitaan na dahil sa kalamidad at gutom ay gumawa ng masama o nagnakaw,” pahayag ni Guzman.

Aniya, inisyal na tulong pa lamang ang ibinigay ng PPO sa mga apektado ng bagyo dahil patuloy silang mangangalap ng donasyon para sa karagdagan pang inisyatibo.

Maliban sa 280 ay mayroon pang ipinamahaging 60 food packs ang PPO mula sa 1,100 na ipinadala ng PNP na ipinamahagi din sa mga personnel MPS sa San Vicente at Roxas na nasalanta din ni Odette.

Previous articlePalawan faces bleak Christmas while recovering from Odette
Next articleBatak IPs in desperate need of blankets, food, and water
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.