Pinangunahan ng tribung Bantoanon ang ginanap na pagdiriwang ng Indigenous Peoples’ (IP) Month sa probinsya ng Romblon nitong Oktubre 7. (Paul Jaysent Fos/PIA-Romblon)

BANTON, Romblon — Ipinagdiwang sa bayan ng Banton noong October 7 ang Indigenous Peoples’ (IP) Month celebration ng lalawigan ng Romblon.

Sa programang inorganisa ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ipinakita ng mga katutubong Bantoanon ang kanilang kultura sa pamamagitan ng presentasyon katulad ng ritwal at mga sayaw.

Bago pa man magsimula ang programa, nagkaroon muna ng tribal parade paikot sa bayan na sinundan naman ng Pangupong sa Plaza, isang katutubong ritwal ng mga katutubong Bantoanon.

Sa welcome message ni Banton mayor Milagros Faderanga, sinabi nito na masaya ang bayan ng Banton dahil sa kanilang lugar ginanap ang selebrasyon ng IP Month ngayong taon at maipapakita nila ang kanilang kultura sa mga bisita.

Ilan lang sa mga nagpakita ng presentasyon ay ang grupo ng mga mag-aaral mula sa Banton National High School kung saan ipinakita nila sa publiko ang isang sayaw ng panliligaw ng mga katutubong Bantoanon, ito ang Ando-ando Dance.

Naging bisita sa pagdiriwang sina NCIP-IV Legal Officer Atty. Randy Lambino, Congressman Eleandro Madrona, Governor Jose Riano, at ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Dumalo rin sa pagdiriwang ang ilang tribal chieftains mula sa iba’t ibang bayan sa Romblon.

Ang pagdiriwang ng Provincial IP Month 2019 sa Romblon ay kasabay ng paggunita sa Ika-22 anibersaryo ng Indigenous Peoples Rights Act (Republic Act No. 8371) na may tema ngayong taon na ‘IP as Partners in Attaining Inclusive Peace and Sustainable Development’. (PJF/PIA-Mimaropa/Romblon)

Previous articleMale teen marijuana peddler nabbed by authorities
Next articleCrocodile killed in Balabac after attacking fisherman