Inilunsad ng pamunuan ng Brooke’s Point District Jail (BPDJ) sa maliit na komunidad sa Samariño Village, Barangay Pangobilian ang programang “Puso sa Puno” noong araw ng Miyerkules, Hulyo 21.
Ang Puso sa Puno ay isang kampanya kung saan bibigyan ng iba’t-ibang species ng punong kahoy at punong prutas ang mga residente ng isang komunidad at ito ay kanilang itatanim, aalagaan, at palalakihin sa ilalim ng Ka-Luntian Program ng BPDJ.
May kabuuang 20 fruit-bearing seedlings ang ipinamahagi sa 15 households ng Samariño Village na kinabibilangan ng rambutan, calamansi, mangga, at marang.
Ayon kay Jail Officer (JO) 1 May Rose Rosel, bahagi ito ng programa ng BPDJ na mapalawak ang environmental rehabilitation sa lahat ng komunidad at makapagtanim ng mga puno sa loob ng kanilang bakuran upang magsilbing pangangalaga sa kalikasan.
“This greening initiative encourages the support of the residents to plant and grow one or two ‘Punong Pinoy’ from BPDJ nursery which shall be monitored monthly by our personnel,” pahayag ni Rosel.
Dagdag pa ni Rosel, marami pang komunidad sa bayan ng Brooke’s Point ang kanilang bibigyan ng mga iba’t-ibang puno ng prutas na magiging malaking tulong sa environmental protection, conservation, at rehabilitation.
“On its 10-month, a special token of appreciation will be given to the household that has significantly taken care of their adopted Punong Pinoy,” aniya.



