Ilang mga kawani ng gobyerno at mga residente ang nakiisa sa pagtatanim ng mga bakawan sa bayan ng Rizal upang ipagdiwang ang World Mangroves Day.

Higit sa 1,000 propagules ng Rhizophora apiculata (bakawan lalaki) at Rhizophora mucronata (bakawan babae) ang sabay-sabay na itinanim noong Sabado sa Purok Malaquibay, Punta-Baja, Rizal, Palawan bilang bahagi ng programa ng Tanggol Kalikasan, Western Philippines University (WPU) at ng pamahalaang lokal ng bayan ng Rizal.
 
Layunin ng proyekto na palaguin at pangalagaan ang mga bakhawan sa nasabing bayan at bilang suporta sa pagdiriwang ng World Mangroves Day na ginaganap tuwing ika-26 ng Hulyo.

Ayon kay Hon. Pepito Drilon, Sangguniang Bayan Member at local counterpart coordinator para sa nasabing programa, nais nilang ipagpatuloy ang pagtatanim ng mga bakhaw nang  maitaas ang kamalayan ng mga mamayan sa kahalagahan ng mga ito sa komunidad.
 
“Ang proyektong ito ay nais naming maging bahagi ng special program ng munisipyo sa susunod na mga taon upang maging taunang gawain bilang pangangalaga sa ating mga bakhawan at pagsuporta sa World Mangroves Day, lalo na’t sa bayan namin matatagpuan ang pinakamalawak na mangrove area sa Palawan,” ani ni Drilon.

“Nais nating protekhan ang ating mga bakhawan gaya na rin ng pag-protekta nito sa ating mga dalampasigan at ganun na rin sa kahalagahan nito bilang breeding ground ng ilan sa ating mga marine resources,” ayon kay Hon. Arvin Fuentes, Sangguniang Bayan Member at Chairman ng Committee on Environment.
 
Ilan sa mga ahensyang nakibahagi sa programa ay ang: Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Philippine Army, The Fraternal Orders of Eagles – The Grand Tarumpitao Point Eagles Club kasama ng mga opisyales at empleyado ng ibat-ibang sangay ng Munisipyo.
 
Ang Tanggol Kalikasan at ang WPU sa pangunguna ni Dr. Benjamin J. Gonzales, Vice-President for Research, Development and Extension, Dr. Elsa Carmen Montaño, project coordinator at kasama ng iba pang kawani at representante ng ibat-ibang organisasyon ay pinasalamatan naman ng Pamahalaang Lokal sa kanilang pakikibahagi sa paglulunsad ng programa.

Previous article6th CRG has new commander
Next articleCOMELEC Bataraza patuloy na nagsasagawa ng satellite registration