SAN VICENTE, Palawan – Bilang tugon sa pangangailangang mapaigting ang seguridad sa pagkain ng bayan ng San Vicente, inilunsad ng lokal na pamahalaan ang proyektong “Tubig para sa masaganang ANI ng mga Magsasaka” o TANIM, para sa mga magsasaka at mga mangingisda.
Ang mga proyekto ay kinabibilangan ng Farm-based Irrigation System, Fish Drying Shed, Agricultural Sustainability Support Program (AS2P) at Bringing Pamana to Barangays (BPB), isang farm tourism-cum-organic vegetable production project.
Ang mga proyektong nabanggit ay panimula lamang bilang istratehiya sa pagbubukas ng agricultural development na isinusulong ng Municipal Agriculture Office (MAO) na ang pangunahing layunin ay palakasin ang mga asosasyon ng mga magsasaka at mangingisda bilang tagapangalaga ng kanilang mga pinagkakakitaan, likas-yaman, at ng komunidad.
Sa pamamagitan nito, masusukat ang kakayahan ng mga komunidad na pamahalaan ang susunod pang mga proyekto na idinisenyo ng lokal na pamahalaan bunga ng mga pag-aaral ng MAO at adhikain ni Mayor Amy Roa Alvarez na mapaunlad ang kabuhayan at mai-angat ang ani at kita ng mga magsasaka at mga mangingisda ng San Vicente.
Sa pangunguna ng Municipal Agriculturist Rufino I. Clavecilla, ang mga Agriculture Extension Workers (AEWs) ay nagsagawa ng final consultation sa mga komunidad na maaapektuhan at makikinabang sa mga proyekto upang masiguro na magiging maayos ang pagtayo at pagsisimula ng mga ito.
Kabilang sa mga nagpapatupad ng mga nasabing proyekto sa ilalim ng food productionprogram ng MAO ang Agricultural Technicians, Agriculture Specialists, at Agricultural and Biosytems Engineers.
Umiikot na rin ang mga AEWs para konsultahin at patnubayan ang mga magsasaka at i-monitor ang mga gawain upang matagumpay na maisakatuparan ang mga proyekto.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na ito ay magdudulot ng positibong resulta hindi lamang sa produksyon ng pagkain kundi maging sa pagkakaisa ng mga komunidad na maiangat ang antas ng kanilang kabuhayan.
Masigasig namang tinanggap ng mga komunidad ang mga proyekto at agarang sinimulan ang pagsasagawa ng mga nakaprogramang mga gawain.
