Oct 1, 2020

Produktong ‘seaweed canton’ ng DAR-ARBO, relief items ng LGU-Calapan

Ang Samasabalatasan ay isa sa mga samahan sa lalawigan na lehitimong miyembro ng Agrarian Reform Beneficiary Organization (ARBO), na programa ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ang produktong “seaweed canton” na gawa ng Samahan ng Manggagawa sa Balatasan (SAMASABALATASAN) mula sa Brgy. Balatasan, Bayan ng Bulalacao, Oriental Mindoro ay tinangkilik ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan bilang bahagi ng mga relief items na ipamimigay sa mga Calapeňos.

Ang Samasabalatasan ay isa sa mga samahan sa lalawigan na lehitimong miyembro ng Agrarian Reform Beneficiary Organization (ARBO), na programa ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Sa kabuuan, 4,470 na piraso na nakaimpake sa 250 gramo ng seaweed canton na nagkakahalaga ng P163,155 ang binili ng LGU Calapan sa Samasabalatasan.

Ang naturang produkto ay mula sa natural na sangkap ng seaweed o damong-dagat na isa sa mga lokal na produkto ng lalawigan at kinikilalang may benepisyo sa kalusugan.

Bilang pagtaguyod sa lokal na ani ng seaweed, ang Pamahalaang Lungsod ng Calapan ay nagbigay suporta sa mga pamilya ng prodyuser, mga magsasaka at mangingisda ng nasabing produkto.

Ang Department of Agrarian Reform (DAR) Oriental Mindoro sa pamamagitan ni Senior Agrarian Reform Program Officer (SARPO) Ester P. Pagilan ay nagpahayag ng pasasalamat sa Punong Lungsod ng Calapan sa pagbibigay ng suporta sa lokal na produkto at prayoridad sa seaweed canton bilang relief items.

Bunsod ng pagbibigay ng DAR OrMin ng producers/manufacturers quarantine food pass sa mga Agrarian Reform Beneficiary Organization (ARBO), ang koordinasyon sa pagbili at paghatid sa lungsod ng produktong seaweed canton ay naisakatuparan.

Sa pagsisikap ng DAR OrMin, layunin nitong matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na maihatid ang kanilang mga ani mula sa bukid patungong merkado sa kabila ng mga banta na dulot ng pandemiyang COVID-19.

Ayon sa Kagawaran, ang mga kasapi ng ARBO sa lalawigan ay masusing sumusunod at patuloy na pinaaalalahanan na obserbahan ang mga alituntunin ng social distancing, pagsuot ng face mask at palagiang paghuhugas ng kamay sa pagganap ng mga gawain at tungkulin. (LC/PIAMimaropa)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry