Vaccination roll-out sa Mega Vaccination Site sa Puerto Princesa City Coliseum.

Ipatutupad ng Puerto Princesa COVAC Team ang priority numbering system simula ngayong araw sa pagpapatuloy ng vaccination roll-out sa lungsod.

Ang hakbang na ito ng COVAC Team ay upang maging maayos ang daloy ng pagbabakuna sa mga nakarehistro nang priority groups.

Maglalaan ang COVAC Team ng numero ng makakaya nilang mabakunahan sa isang araw at ang mga mabibigyan ng numero ay ang mga nakapagparehistro on-line lamang.

Naglagay na rin ng bagong registration site ang COVAC Team sa SM Puerto Princesa kung saan maaari na ritong magparehistro ang nais magpabakuna na may edad 18 taong gulang-pataas upang mas magiging madali ang pag-iiskedyul ng pagbabakuna sa mga ito.

Samantala, nasa 700 indibiduwal naman ang nakatakdang mabakunahan ngayong araw para sa kanilang first dose kung saan 400 sa mga ito ay mula sa A2 Category o mga senior citizens at 300 naman ang mula sa A3 category o iyong mga may comorbidity.

Ang mga senior citizen mula sa mga Barangay ng Sicsican, Bagong Sikat at Bagong Silang at mga residenteng may comorbidity mula sa Bgy. San Jose ang babakunahan ngayong araw.

Magbabakuna rin ang COVAC Team ng second dose sa mga nabakunahan na ng Sinovac at AstraZeneca na mga frontliner.

Isasagawa ang pagbabakuna sa Mega Vaccination Site ng Lungsod na matatagpuan sa Puerto Princesa City Coliseum. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Previous articlePlea from a mother
Next articleReduced quarantine days eyed for arriving vaccinated passengers