Flag raising ceremony sa Buenavista Elementary School sa Puerto Princesa City sa pagbubukas ng unang araw ng klase noong September 13, 2021. (File photo courtesy of Jessie Bacosa dela Cruz via DepEd Tayo Puerto Princesa)

Sa pagbubukas ng Panuruang Taon 2021-2022 ngayong Lunes, Setyembre 13, karamihan sa mga magulang at mag-aaral ay mas pinili pa rin ang printed modular learning scheme.

Ito ay sa kabila ng inilunsad ng Department of Education Puerto Princesa City Schools Division Office (DepEd-Puerto Princesa) na “Project DREAM” (Digitized Resources in Education for Applicable Modality), isang panibagong pamamaraan ng pagtuturo kung saan ang mga guro ay maghahanda ng mga recorded lectures ng bawat lesson na maaaring i-download, panoorin, at balik-balikan ng mga estudyante anumang oras.

“[Nasa] 80% ng populasyon ng Pilot pinili pa rin ang printed modules,” ani Gemma Arguelles, punong guro ng Puerto Princesa Pilot Elementary School (PPPES).

Ayon kay Gina Francisco, senior education program specialist for Human Resource Development Training at division information officer ng DepEd-Puerto Princesa, ang “Project DREAM” ay isa sa itinuturing na best enhancement practices sa taong ito upang makasabay sa makabagong digital technology. Isa sa mga rason nang pagsasagawa ng nasabing proyekto ay ang pagnanais na makabawas sa basura at punong kinakailangang patayin upang makagawa ng papel para sa mga module.

“Ang tawag po dito ay migration from printed to digitized [platform] para less na rin po ang puno na kailangan i-sacrifice at para na rin po laging mabalikan ng ating mga mag-aaral lalo na noong may mga gadget dahil pwedeng panoorin anytime kahit walang internet,” paliwanag ni Francisco.

Dagdag niya, maliban sa “Project DREAM” ay mayroon ding inaayos ang DepEd-Puerto Princesa na isa pang proyektong naglalayon na mapaunlad ang kalagayan ng edukasyon sa lungsod sa gitna ng pandemya.

Ito ay ang “Project Increase” kung saan ipapamahagi ang existing textbooks sa iba’t-ibang paaralan upang maging karagdagang materyales maliban sa mga ipinamimigay na self-learning modules sa mga estudyante.

Sa ngayon, patuloy ang istriktong pag-obserba ng health and safety protocols sa bawat paaralan, ganoon din ang paglilinis ng mga ito at pag-eengganyo sa mga guro na magpabakuna upang matiyak ang kaligtasan ng mga magulang at estudyanteng bumibisita upang kumuha ng modules.

Hinihikayat naman ni Francisco ang mga magulang na iparehistro at ipagpatuloy ang pag-aaral ng kanilang mga anak dahil aniya, hindi maaaring tumigil ang pagkatuto sa panahong ito.

“Sa lahat ng mga magulang, mag-aaral, at kaguruan, nananwagan po kami sa inyo ng inyong 100% cooperation sa pagbubukas ng class ngayong 2021-2022. Katulad ng nakaraang taon napaka-challenging ng taong ito pero inaasahan po natin na malalagpasan natin dahil sanay na po tayo naranasan na natin last year,” aniya.

“Kailangan tuloy tuloy ang edukasyon sa hindi normal na panahon. Pinapangarap po namin at pinagdarasal ang ligtas na balik eskwela,” dagdag pa ni Francisco.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 65,211 enrolees mula Kindergarten hanggang Grade 12 mula sa 101 public schools, 42 private schools, at isang State University at College sa lungsod.

Ang bilang ay mababa kumpara sa kabuuang bilang nakaraang taon na umabot sa 75,796 ngunit inaasahan pa rin ang pagtaas nito dahil tumatanggap pa ang mga paaralan ng mga estudyante hanggang Setyembre 30.

About Post Author

Previous articleCelebrate chocolate around the world with SM snack exchange
Next articlePALECO billing errors tackled at City Council session