Aerial photo ng bayan ng San Vicente matapos ang bagyong Odette. (Image grabbed from Palawan PDRRMO provided aerial video/ File photo)

Bukod sa kakulangan sa pagkain, maayos na bahay na matitirahan, damit, at iba pang pangunahing pangangailangan, ay pino-problema rin ng maraming residente ng bayan ng San Vicente ang pagtaas ng presyo ng tubig at gasolina.

Ayon sa kapitan ng Barangay Poblacion na si Cesar Sales humigit-kumulang 800 households na binubuo ng aabot sa 1,000 na pamilya, at lahat nawalan ng bahay at kabuhayan, at nahihirapan pa dahil sa biglang pagtaas ng mga presyo ng mga produkto na kanilang kailangan.

“Isang problema namin dito, ang presyo ng tubig na dating P90 lang ang anim na litro, ngayon P140-P150 kada litro. Ang gasolina na dating magkano lang, after ng bagyo, isang raw lang, umabot na ang presyo sa halos P100 kada litro,” pahayag ni Sales.

Sa mga yero at iba pang materyales para maayos ang kanilang mga bahay, tumaas din umano ang presyo ngunit hindi naman sobra-sobra.

Pahayag ni Sales, nakabalik na ang 85 na pamilya sa Sitio Panindigan na pansamantalang nanirahan ng ilang araw sa evacuation center noong kasagsagan ng bagyong Odette at naghahanda nang mag-ayos ng mga bahay.

“Sa mga yero, may konting dagdag sila pero hindi naman kataasan. Walang hanap-buhay ang mga tao, walang pambili ng materyales,” ayon kay Sales.

“Ang nailikas po namin bago at kasagsagan ng bagyo aabot sa 85 families, pero hindi pa kasama dito ang mga pamilya na nakisilong sa mga kakilala na medyo matibay ang mga bahay at sa mga kaanak,” dagdag niya.

Aniya, naghanda sila bago pa ang bagyo at maging ang kanilang mga kabuhayan ay siniguro din nila na maililigtas pagdating ng bagyo, ngunit sadyang napakalakas nito na hindi nila inaasahan.

“Handa kami, pinaghanda namin ang mga residente, ang mga bangka nila itinago na nila, pero dahil sa tindi ng bagyo, isa na lang ang bangkang naiwan, sa mahigit 50 bangkang pangisda dito,” dagdag ng kapitan.

Kaya panawagan niya sa pamahalaan, sana ay matulungan sila sa kanilang mga pangangailangan at maibangon ang kanilang mga kabuhayan.

Nananawagan din siya sa mga nagtitinda na huwag samantalahin ang nangyaring bagyo para itaas ang mga presyo dahil hirap na ang mga mamamayan.

Ayon sa hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Rolando Estoya, matindi ang naging pinsala ni Odette sa 10 barangay sa San Vicente. Aabot umano sa 1,074 ang bahay na lubos na sinira ng bagyo at 4,417 ang bahagyang napinsala.

Sa magkasamang lubos at bahagyang napinsala na mga bahay ay nasa 5,508 na pamilya ang apektado.

Samantala, aabot sa P33,535,000 ang naging pinsala ni Odette sa imprastratura sa bayan. Sa sakahan ay 3,589.32 hectares ng farmlands ang sinalanta ng bagyo, ngunit walang nabanggit si Estoya na katumbas na halaga nito.

Aniya, prayoridad din ng San Vicente na maibalik ang supply ng kuryente at tubig sa lugar, at makapag-provide ng relief goods at mga food packs sa mga apektadong residente.

Serbisyo ng tubig, naibalik na
Samantala, naibalik na ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO) ang suplay ng tubig sa ilan pang bahagi ng bayan ng San Vicente na naapektuhan ng pagkawala ng daloy ng serbisyo.

Ayon Edgar Andante ng MEEDO, nagkaroon ng muli ng serbisyo ng tubig ang mga concessionaire nito mula sa mga barangay ng New Agutaya, San Isidro, at bahagi ng Poblacion (So. Macatumbalen) matapos maikabit ang mga na-retrieve na transmission lines sa New Agutaya noong ganap na alas 7 ng gabi, araw ng Linggo, Disyembre 26.

Nagpasalamat din siya sa pamunuan ng MEEDO-El Nido sa pangunguna ni Rene Acosta matapos na personal na tumungo sa bayan upang tumulong sa pagpapanumbalik ng suplay ng tubig.

“Nagpapasalamat tayo sa MEEDO ng El Nido dahil nagpahiram sila ng materials and fittings na magagamit sa pagkumpuni. Gayundin, nagpahiram din sila ng mga tao na tumulong magkumpuni ng ating service lines sa Brgy. New Agutaya at San Isidro,” sabi ni Andante.

Operational na rin ang water system sa Brgy. Caruray matapos makapagpadala ng mga pipelines noong ika-24 ng Disyembre.

Matatandaan na araw ng Biyernes, Disyembre 17, nang manalasa si Odette na naging dahilan ng pagkasira ng mga tubo ng tubig at iba pang pasilidad ng San Vicente Water Works.

Matapos nito ay agad na sinimulan ng mga manggagawa ng San Vicente Water Works ang restoration activities sa Block 6 at matagumpay na naibalik noong Disyembre 19 ang serbisyo ng tubig sa ilang bahagi ng Brgy. Poblacion.

Agad ding ipinadala ng Emergency Operations Center (EOC) ang grupo mula sa Municipal Public Safety and Emergency Program (MPSEP) at Municipal Engineering Office (MEO) para sa pagsasagawa ng clearing operations upang matanggal ang humarang na mga natumbang puno sa daan patungo sa water treatment plant na nagsusuplay sa Brgy. New Agutaya, San Isidro, at bagahi ng Poblacion.

Patuloy rin ang pagsisikap ng MEEDO na muling maging operational ang water system na nagseserbisyo sa ilan pang kabahayan ng Brgy. Poblacion.

Ayon pa sa MEEDO, naglagay sila ng 11 standpipe site upang pagkunan ng mga residenteng wala pa ring suplay ng tubig.

“May 11 standpipe site tayong binuksan na pwedeng pag -igiban. Ito ay matatagpuan sa Padrigo Store, Alma Collado residence, Crossing Zabanal-Alta road, Elementary, Highschool, Madarcos residence, Landing area motorpool, Bredis residence area, Amphitheater area, Himlayan entrance area,at Airport area,” ayon sa MEEDO.

Nagpaalala naman si Andante na patuloy na magtipid sa paggamit ng tubig.

“Salamat sa lahat ng mga concessionaire natin na nakapagtiis na walang tubig. Ngayon, naranasan natin ang pinakamatinding bagyo na dumaan dito sa bayan ng San Vicente at lubhang nasira ang ating mga mainline sa Poblacion at New Agutaya. Nawa ay magbigay ito sa atin ng paalala na MAGTIPID sa paggamit ng tubig at magipon, huwag itong abusuhin kahit na ito ay libre.

“Hindi biro ang pagsasaayos ng mga linya sa taas ng source ng tubig natin. Buhay ang nakasalalay. Hangga’t maaari at kaya ay sinisikap ng aming mga personnel na maibalik agad ang serbisyo ng tubig dahil alam namin na napakahalaga nito sa pang araw-araw nating Gawain,” paalala ni Andante.

About Post Author

Previous articleOdette leaves San Vicente tourism sector with over P41 million in losses
Next articleU.S. assistance for Odette survivors in the Philippines tops 1B with new major announcement