Hinimok ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang mamamayan ng lungsod na ipagbigay alam agad sa mga awtoridad ang mga nagaganap na iligal na sugal partikular ng sabong na mamataan sa kanilang lugar bilang pag-iingat sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
“Inaanyayahan natin ang ating mga kababayan na kung may makikita silang mga ganyang activities, lalo na ang tupada, ay ipagbigay alam kaagad sa mga pulis para agad maaksyunan. Lalo na ngayon may COVID, madalas ang umpukan diyan at sigawan, mataas ang tiyansa na magkahawaan o maging dahilan pa ng pagkalat ng sakit,” pahayag ni P/Maj. Mhardie Azares, tagapagsalita ng PPCPO.
Ang pahayag ay binitawan ni Azares sa panayam sa Palawan News, Martes ng umaga, Abril 20, matapos ang sunod-sunod na pagkakaaresto sa mga sabungero sa lungsod na walang palya kada linggo kahit na may pandemya at patuloy din ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Kabilang sa mga naaresto nitong Linggo, Abril 18 si Mark Anthony Aurino Develos sa Purok Mahogany, Barangay Sicsican habang ang tatlo nitong kasamahan ay nakatakas matapos na isumbong ng isang concerned citizen sa mga awtoridad na nagsasabong ang mga suspek sa nasabing lugar.
“Base sa tip ng ating concerned citizen ay may nagaganap na iligal na tupada sa Brgy. Sicscian, noong ma-verify ng ating mga operatiba ay nakita nila sa akto na ongoing ang tupada at naaresto natin ang isang suspek na si Develos at ang tatlong iba pa ay nakatakas. Parang usually isa hanggang dalawa kada linggo ang nahuhuli naming nagtutupada,” dagdag pa ni Azares.
Bagamat nakatakas ang tatlong suspek, sinabi naman ni Azares na tukoy na ang pagkakakilanlan ng mga ito at kasamang sasampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o illegal gambling.
“Sila naman ay nakilala kaya kasama rin sila sa sasampahan ng kaso. Ang mga narecover nating mga ebidensya ay iyong dalawang manok na panabong na parehong may mga tari na nakakabit, iyong isa doon ay wounded ang isa naman ay patay na at may nakuha rin tayong P120 pera na ginamit nilang pamusta ,” aniya.
Dinagdag pa ni Azares na kahit maliit na pasugalan at maliliit lang ang pustahan ay hindi parin nila ito palalagpasin dahil bawal at bilang dagdag na rin sa pag-iingat sa COVID-19.
