SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Nagsagawa ng pag-iinspeksyon ng mga polling precinct sa siyam na barangay dito ang Commission on Elections (COMELEC) municipal office para sa nalalapit na plebisito sa pagtatatag ng tatlong probinsya sa Palawan.
Ayon kay Alpha Sobrepeña, municipal election officer ng Sofronio Española, bahagi ng pagpa-finalize ng plebesito ang kanilang pag-iinspeksyon sa mga polling precinct.
“Finalized na ang lahat ng ating presinto na pagbobotohan sa ating bayan, kabilang ang mga guro na magse-serve sa darating na Mayo. Nakatakda naman kaming magsagawa ng inspeksyon sa mga paaralan na pagdadausan ng botohan. Yong pag-imprinta ng masterlist natin ay tapos na,” sabi niya.
Ayon sa kanya, mayroong 55 polling precincts sa 9 na barangay ng Sofronio Española kung saan magsisilbi ang may 220 teachers, kabilang ang 10 supervisors at 10 support staff.
Lagda na lang ng mga supervisor at Election Regulation Board (ERB) ang hinihintay para sa final na masterlist.
Sa mga susunod na linggo ay nakatakda naman silang magsagawa ng briefing para sa lahat ng mga guro na magsisilbi.
Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit 17,000 na registered voters ang bayan ng Sofronio Española.