Tatlong wanted sa batas ang magkakasunod na inaresto ng mga awtoridad sa lalawigan ng Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa, araw ng Miyerkules, Setyembre 9.
Unang naaresto si Juliber Gellego Alquisa, 27 taong gulang, sa Barangay Poblacion sa bayan ng Taytay sa kasong pagnanakaw, at ang 41 taong gulang na si Julios Aurino, na dinakip sa Brgy. Plaridel, Aborlan, sa kasong illegal fishing.
Sa Lungsod ng Puerto Princesa naman, inaresto sa Barangay Model si Angelo Esparrago Bartolay, 56 taong gulang, sa kasong illegal gambling.
Si Alquisa ay inaresto sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Ronilo A. Beronio, ng Municipal Circuit Trial Court (MCTC) of Taytay and San Vicente, na may petsang July 28, 2021 at may nakalaang piyansa na nagkakahalaga ng P10,000 para sa pansamantala nitong kalayaan.
Samantalang si Aurino ay dinakip sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Norferio B. Nono ng Aborlan Municipal Trial Court (MTC) na may petsang July 6, 2021, para sa kasong paglabag sa Section 95 ng Republic Act 10654 o ang Philippine Fisheries Code of 1998, at may nakalaang piyansa na nagkakahalaga ng P36,000 para sa pansamantala nitong kalayaan.
Si Bartolay naman ay inaresto sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Maria Rowena P. Socrates ng Puerto Princesa MTC Branch 1 sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (illegal gambling by the use of game cards) at may nakalaang piyansa na nagkakahalaga ng P36,000.
Ang tatlo ay kasalukuyang nasa kustodiya ng himpilan ng pulisya na umaresto sa kanila.
